Paglilipat ng pondo ng Philhealth na "di nagastos," binatikos ng Gabriela

,

Itinuturing ng Gabriela na “pag-atake sa kaparatan sa kalusugan” ang kamakailangang napabalita na pagbabalik ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na diumano’y di nagastos sa pambansang pondo.

“Binabatikos ng pambansang alyansa ng kababaihan na GABRIELA ang kamakailang circular ng Department of Finance (DOF) na nag-aatas sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ilipat ang P89.9 bilyon na hindi nagamit na pondo sa pambansang kabang-yaman,” pahayag ng grupo. Lalo pahihinain ng pag-aalis ng pondo ang naghihingalo nang sistemang pangkalusugan, ayon naman kay Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng grupo.

“Habang sinasabi ng PhilHealth na may sobra silang pondo, milyun-milyong Pilipino ang patuloy na nahihirapan sa napakataas na gastusin sa medikal at hindi sapat na saklaw ng pangangalagang pangkalusugan,” ani Palce.

Ayon sa grupo, dapat direktang ilaan sa mga pampublikong ospital at pasilidad ng kalusugan ang pondong pangkalusugan, imbes na idaan ito sa Philheath na batbat ng korapsyon at anomalya.

“Ang pribatisasyon ng serbisyo sa kalusugan ay nagdulot ng mapaminsalang epekto, lalo na sa mga kababaihang Pilipino na nagdadala ng bigat ng mga responsibilidad na may kaugnayan sa kalusugan sa kanilang mga pamilya,” pahayag ng grupo. Kabilang sa mga serbisyong pangkababaihan na hindi abot-kaya para sa kababaihan ang screening para sa breast cancer at cervical cancer at iba pa.

“Dapat nating labanan ang mga pagtatangkang higit pang ipribatisa at pagkakitaan ang ating kalusugan,” ani Palce. “Ang karapatan ng mga tao sa kalusugan ay hindi dapat isakripisyo para sa interes ng pamahalaan o interes na pinapatakbo ng kita.”

AB: Paglilipat ng pondo ng Philhealth na "di nagastos," binatikos ng Gabriela