Balita

Paglulustay ni Marcos para sa raling "Bagong Pilipinas," binatikos

,

Binatikos ng grupong Bayan Muna ang nakatakdang rali ng rehimeng Marcos para sa upisyal na paglulunsad sa kampanya nitong “Bagong Pilipinas” sa Enero 28. Ilulunsad nito ang isang malaking pagtitipon sa Qurino Grandstand sa Maynila, na pinondohan ng buwis ng taumbayan.

Ayon kay Bayan Muna chairman Neri Colmenares, may balita silang gagamitin din ang rali bilang plataporma para isulong ng rehimen ang charter change o “chacha.”

Aniya, “Sayang lang ang pera ng taumbayan dito at ginagawa pang halos mandatory ang pagdalo samantalang napakadaming dapat asikasuhin ng mga kawani ng gobyerno at maging ng mga opisyal ng baranggay.”

Giit niya, sayang na sayang ang pondo para sa isang rali na wala namang katuturan. “Ayon sa ilang nakausap nating baranggay at Sangguniang Kabataan officials ay gagamitin din daw ang raling ito ng administrasyong Marcos Jr. para itulak uli ang Cha-cha at palabasin na ang mga pumunta dun ay suportado ito,” dagdag ni Colmenares.

Mahalaga umanong ipabatid ng taumbayan ang pagbatikos sa naturang rali ng rehimen bilang pagrehistro rin sa pagtutol sa “chacha.” Hinimok niya ang kapwa Pilipino na huwag nang pumunta sa naturang rali.

Unang inianunsyo ng rehimeng Marcos ang kampanyang Bagong Pilipinas noong Enero 2023. Dati na itong binatikos ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at sinabing mula pa man sa ama nitong diktador na si Marcos Sr hanggang kay Marcos Jr ay “walang makabuluhang nagbago sa lipunang pinaghaharian ng dayuhan at iilan – mga burukrata kapitalista, malaking panginoong maylupa at komprador burgesya.”

Anang grupo, walang saligang pagkakaiba ang pekeng slogan na Bagong Lipunan noon sa pekeng slogan na Bagong Pilipinas ngayon. Pagtatangka lamang umano itong tabunan ang malawak na kagutuman, kawalang trabaho, mababang sahod at kahirapan ng malawak na sambayanan.

AB: Paglulustay ni Marcos para sa raling "Bagong Pilipinas," binatikos