Pagnanakaw ng pulis at militar sa isang bahay sa Masbate, ibinunyag ng BHB
Pinasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) ang paratang ng 96th IB at lokal na pulis sa Masbate na ang Pulang hukbo ang nasa likod ng isang kaso ng pagnanakaw sa bahay ng sibilyan sa Barangay Mapiña, Masbate City noong Pebrero 21. Anang BHB-Masbate, hindi ang BHB kundi mga sundalo at pulis ang nagnakaw.
Ayon sa ulat, alas-10 ng gabi hinalughog ng mga sundalo at pulis ang bahay ni Budo Alegre. Tinangay nila ang alagang baboy na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱10,000, mga itak na ginagamit sa pagtatabas ng damo at ang dalawang teleskopyo na pagmamay-ari ng amo ni Alegre na si Eribete, may-ari ng pasto na kanyang binabantayan.
Para takasan ang krimen, ibinintang nila ang pagnanakaw sa Pulang Hukbo upang siraan ang pangalan at prestihiyo ng BHB. “Nagpapakalat sila ng mga kasinungalingan at disimpormasyon upang siraan ang Pulang Hukbo at lokohin ang masa. Pinalalabas ng militar at pulis na dahil sa gutom na ang mga NPA kaya nagnanakaw na lang ang mga ito,” ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate.
Dagdag ni Ka Luz, kakatwa ang ginawang pamamahayag ng militar at pulis dahil inaakala nilang hindi batid ng masang Masbatenyo na tanging mga bayarang pwersa ng rehimeng Marcos ang makagagawa ng mali sa kanila.
“[Nangyayari] lamang ang mga anti-sosyal na gawain at mga paglabag sa karapatang-tao tulad ng pagnanakaw, pornograpiya, pagamit ng droga, pagsampa ng gawa-gawang kaso, tortyur at pamamaslang sa tuwing ang mga ito ang nasa kanilang mga lugar,” pahayag ni Ka Luz.
Pagdidiin pa ng tagapagsalita, mahigpit ang pagtalima ng hukbong bayan sa sarili nitong regulasyong militar, mga patakaran at alituntunin at sa batas sa digma at internasyunal na makataong batas.
“Kabaligtaran [sa militar at pulis], ang Pulang Hukbo ang sumbungan, tagapayo at tumutulong upang mabigyang solusyon ang mga problemang kinakaharap ng masa, mabigyang hustisya ang mga biktima at mapanagot ang mga kriminal na lumalabag at kumikitil ng buhay ng mga inosenting mga sibilyan.