Usad sa kaso laban kay Duterte sa ICC, ikinatuwa ng mga pamilya ng biktima
Sinalubong ng positibong pananaw ng mga pamilya ng biktima ng huwad na “war on drugs” ang pinakahuling desisyon ng korte ng International Criminal Court (ICC) na didinig sa kasong mga krimen sa sangkatauhan laban sa dating presidenteng si Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Kristina Conti, assistant to counsel ng ICC na kumakatawan sa mga biktima ng extra-judicial killings (EJK), natutuwa ang mga pamilya sa desisyon ng ICC Trial Chamber III na panatilihin ang pinal na iskedyul ng paglilitis sa Nobyembre 30. Sa kanyang mga panayam sa midya noong Hunyo 28, ibinahagi ni Conti na ang nagtakda ng mga karagdagang status conference (pulong ng mga abugado) ang korte ay patunay na mahigpit na binabantayan ng ICC ang kaso upang iwasan ang maaaring pagpapatagal dito ng depensa.
Isang malaking sampal din sa kampong Duterte ang pag-apruba ng korte noong Hunyo 26 sa hiling ng prosekusyon na i-freeze o ipitin ang lahat ng perang nakumpiska mula kay Duterte nang inaresto siya noong Marso 2025. Binigyang-diin ni Conti na ang hakbang na ito ay “mahalagang pinto” para sa hustisya ng mga biktima upang matiyak na mapreserba ang mga ebidensya at ari-ariang may kaugnayan sa krimen. Sa kabila ito ng maingay na pagtutol ng mga abugado ni Duterte na pilit na pinaaatras maging ang pag-inspeksyon sa mga susi na nakuha sa katauhan ng dating presidete sa panahong iyon.
Gayunman, nagpaalala si Conti sa mga hamong kinakaharap ng kanilang kampo. Aniya, malaking hamon pa rin ang mabilis na pagpaparehistro at pagpapatala sa mas marami pang pamilya ng mga biktima para upisyal silang makalahok sa darating na paglilitis.
Nananatiling nakadetine si Duterte sa Scheveningen sa Netherlands matapos ibasura ang hiling niya noong Mayo na pansamantalang makalaya. Binigyang-diin din ng mga abogado ng mga biktima na anumang pagbabago sa legal team ni Duterte ay hindi dapat maging dahilan ng pagkaantala sa paglilitis sa kanya.