Pagpapakalas sa mga lokal na unyon mula sa Courage, bahagi ng pakanang militar
Binatikos ng Courage ang pangreredtag na ginawa ng 4th ID at NTF-ELCAC sa Region 10 sa press conference na ipinatawag nito noong Agosto 10 sa Cagayan de Oro City. Bahagi ng press conference ang pag-anunsyo ng “pagkalas” ng unyon ng mga kawani sa Department of Agrarian Reform Employees Association (DAREA-Cagayan de Oro Chapter) mula sa Courage.
Ginamit pa ng militar ang pagbaklas ng unyon ng DAREA-Region 10 para bansagang “prenteng” organisasyon ng armadong rebolusyonaryong kilusan. Ang pagbaklas ng mga kawani sa pederasyon ay bahagi ng ng panggigipit ng estado na pinroyekto mismo ng dating national security adviser Hermogenes Esperon. Noong Marso, napabaklas ni Esperon ang pambansang unyon ng DAREA mula sa Courage.
Tinawag ng Courage ang mga paratang na “rehashed, false, malicious at erroneous” (luma na, huwad, malisyoso at mali). Dagdag ng grupo, isa itong “walang-hiyang pagpapakita ng desperasyon ng mga pasista na supilin ang lehitimong paglaban sa gubyerno.”
Anila, pinaarangkada ng militar at estado ang pangreredtag dahil sa paglaban ng Courage sa planong “rightsizing” ng rehimeng Marcos sa mga ahensya ng gubyerno. Nakatakdang aabot sa higit 2 milyong kawani ang maaaring maapektuhan sa ilalim ng pakanang ito.
Ayon sa Courage, sa ginawang “pagbaklas” ng unyon, nalantad na tahasang pinanghihimasukan ng NICA at maneydsment ng DAR Region 10 ang mga usapin nito. Tahasan itong paglabag sa pundemantal na prinsipyo ng pag-uunyon na dapat ay malaya sa pakikialam ng estado.
Hinamon ng Courage ang kasalukuyang kalihim ng DAR na si Conrado Estrella III na silipin ang ganitong maling ginagawa sa ilalim ng kanyang ahensya.
Sa nagdaang limang taon (2017-2021), kabilang ang Pilipinas sa sampung pinakamasasahol na bansa para sa mga manggagawa ayon sa Global Rights Index of the International Trade Union Confederation (ITUC).