Pagpapalaya sa matatandang bilanggong pulitikal, ipinanawagan sa Nelson Mandela International Day

,

Sa okasyon ng Nelson Mandela International Day, ipinanawagan ng grupong Karapatan noong Hulyo 18 ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na may edad na. Sa araw din na ito, nagprotesta ang mga myembro ng Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) at iba pang progresibong organisasyon sa harap ng Department of Justice para ipanawagan ang patuloy na ipanawagan na palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal sa bansa. Umaabot sa 754 ang mga detenido, na nakakulong sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ipinakilala ng mga grupo sa karapatang-tao sina Ruben at Presentacion Saluta, Frank Fernandez, Cleofe Lagtapon, Evangelne Rapanut at Albert at Virginia Villamor, mga may edad nang bilanggo, na pawang sinampahan ng gawa-gawang mga kaso.

Sina Ruben at Presentacion Saluta, 76 at 64 taong gulang, ay inaresto noong Enero 29, 2023 sa General Santos City. Dati na silang mga bilanggong pulitikal na nakalaya matapos isa-isang nabasura ang mga kasong isinampa ng militar laban sa kanila. Ngayon naman ay kinakaharap nila ang bagong serye ng gawa-gawang mga kaso, gamit ang mga itinanim na ebidensya at pekeng mga saksi. Dating mamamahayag si Ruben, na nagsilbi ring konsultant sa usapang pangkapayapaan. Si Presentacion naman ay organisador ng magsasaka.

Ang mag-asawang Frank Fernandez, 76, at Cleofe Lagtapon, 71, ay inaresto noong Marso 24, 2019 sa Liliw, Laguna. Di makatarungan silang hinatulang nagkasala sa kaso ng illegal possession of firearms at explosives. Kumakaharap din sila ng maraming gawa-gwaang kaso ng Negros at Bohol.

Si Evangelne Rapanut, 73, ay inaresto sa Dasmarinas City, Cavite noong May 31, 2022. Dati siyang diyakonesa ng simbahang Methodist. Kinakaharap niya ang ilang pekeng mga kaso, kabilang ang dalawang kaso ng pagpatay, bigong pagpatay, pagnanakaw at illegal possession of firearms at explosives.

Sina Alberto at Virginia Villamor, 71 at 74-taong gulang, ay inaresto nang walang mandamyento noong Nobyembre 8, 2018 sa Quezon City. Kinasuhan din sila ng illegal possession of firearms at explosives. Kapwa maysakit at mahina na katawan ng mag-asawa.

Ginugunita ang Nelson Mandela International Day sa buong mundo bilang pagkilala kay Nelson Mandela, na ibinilanggo dahil sa kanyang paglaban sa apartheid sa South Africa. Isa siyang bantog na detenidong pulitikal na naging presidente ng kanyang bansa. Noong 2014, itinakda ang paggunita ng kanyang alaala ng United Nations General Assembly para ipanawagan sa lahat ng mga estado na tiyakin ang makatarungang mga kundisyon sa bilangguan, laluna sa mga bilanggong pulitikal.

AB: Pagpapalaya sa matatandang bilanggong pulitikal, ipinanawagan sa Nelson Mandela International Day