Balita

Pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal ng India, ikinakampanya

,

Nanawagan ang International Committee to Support the People’s War in India (ICSPWCI), komiteng sumusuporta sa Communist Party of India (Maoist) at kanilang mga pakikibaka, sa lahat ng demokratikong organisasyon at kilusan na suportahan ang Pandaigdigang Linggo ng Pagkilos sa darating na Setyembre 13 hanggang 19. Panawagan nito ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal sa India.

Ayon kay Kasamang Abhay, tagapagsalita ng CPI (Maoist), sa pagtindi ng krisis sa pulitika at ekonomya sa India, umiigting din ang pasistang panunupil at iligal na mga pag-aresto sa India.

Kinakasangkapan ng estado ng India ang Unlawful Activities Prevention Act (UAPA), isang batas kontra-teror na nagpapahintulot ng detensyon nang hanggang 180 araw nang walang kaso, laban sa mga ordinaryong mamamayan, aktibista, progresibo, mga akademista at iba pa. Hindi na mabilang ang inaresto sa ngalan ng batas na nito.

“Sila ay kinakasuhan sa ilalim ng mga mapaniil na batas at ipinaiilalim sa pisikal at mental na tortyur,” ayon kay Kasamang Abhay. Kung hindi ikinukulong, pilit na “pinasusuko” ang mga sibilyan o kaya ay pinagtatrabaho bilang mga impormer, o pinasasali sa mga pwersang paramilitar at pulis.

Kabilang sa kilalang mga inaresto sina Professor Saibaba ng Revolutionary Democratic Front (RDF), rebolusyonarong manunulat na si Varavara Rao, Professor Anand Teltumbde at iba pang idinadawit sa kaguluhang sinimulan ng pulis matapos ang demonstrasyon ng mga katutubo noong Disyembre 2017 sa Bhima Koregaon, sa distritong Pune, Maharashtra.

Samantala, namatay noong Hulyo 2021 si Father Stan Slas Lurd Swamy, na isinangkot din sa naturang kaso, sa edad na 84. Namatay si Fr. Swamy sa atake sa puso. Hindi siya pinayagang magpyansa sa kabila ng kanyang katandaan, sakit na Parkinson at Covid-19. Naging bantog siya sa tatlong dekadang pagsuporta sa minoryang mamamayan at kanilang pakikibaka sa estado ng Jharkhand sa silangang bahagi ng India.

Ayon sa pananaliksik ni Fr. Swamy kaugnay ng kalagayan ng mga bilanggong pulitikal, halos 97% ng 3,000 katutubong nakakulong sa Jharkhand ay sinampahan ng gawa-gawang mga kaso. Marami rin ang naghihintay pa ng kani-kanilang pagdinig.

Sa datos ng reaksyunaryong gubyerno ng India, sobra-sobra ang bilang ng mga ikinukulong kumpara sa nakatakdang bilang na dapat ay ipinipiit sa mga bilangguan. Halos 70% ng mga bilanggo ay “under trial” o hindi pa nahahatulan. Mayorya sa kanila ay mula sa mahihirap na sektor ng lipunan kung saan 85% ay mula sa Scheduled Caste, Scheduled Tribe, ibang atrasadong mga uri at Muslim.

Ayon kay Kasamang Abhay, napakaraming kaso na rin na maging ang mga abugadong humahawak ng kaso ng mga aping sektor ay ginigipit at tinatakot ng estado. “Hindi nirerespeto ng pulis ang trabaho ng mga aktibsita at abugado na nagtatrabaho para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal,” saad niya.

Isinalaysay din ni Kasamang Abhay na napakaraming kadre ng CPI (Maoist) na iligal na ikinukulong sa gawa-gawang mga kaso at hatol ng reaksyunaryong mga korte sa kabila ng kanilang katandaan at sakit.

“Ang mga kasamang ito ay matibay na tumatangan sa rebolusyonaryong adhikain. Hinuhubog nila ang mga kulungan bilang mga rebolusyonaryong paaralan at sentro ng pakikibaka ng mamamayan. Pinamumunuan ng mga lider ng ating partido ang mga pakikibaka sa mga kulungan sa buong bansa sa pangunahing panawagan nilang kilalanin sila bilang mga bilanggong pulitikal, at ang iba pang karapatan ng mga nakapiit,” salaysay ni Kasamang Abhay.

Kasabay ng panawagan para sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, ikinakampanya rin ng ICSPWCI sa paggigiit ng pagpapatigil sa mga pag-atakeng drone sa mga komunidad ng India. Ang ICSPWCI ay mayroong mga komite sa iba’t ibang bahagi ng Europe, Latin America at iba pang mga bansa.

AB: Pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal ng India, ikinakampanya