Pagpapalaya sa Romblon 4, muling ipinanawagan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling ipinanawagan ng mga kaanak, kaibigan at mga demokratikong organisasyon ang pagpapalaya sa dalawang aktibistang pangkalikasan at dalawang mangingisdang dinakip sa Romblon noong 2021. Pinangunahan ng Free Romblon 4 Network ang isang press conference sa Commission on Human Rights sa Quezon City kahapon, Mayo 27, para ipanawagan ang kagyat na pagpapalaya kina Marlon Torres, Tess Dioquino, Benny Hilamon, at Nolan Ramos.

Kasama sa press conference ang Kilusang Mayo Uno, Center of Trade Union for Human Rights, Defend Workers Southern Tagalog, Tambisan sa Sining, at Southern Tagalog Cultural Alliance.

Iligal na inaresto ang apat noong Hunyo 3, 2021. Patungo sila sa isla ng Sibuyan upang manaliksik sa kalagayan ng mga manggagawa sa open pit mining sa isla, at upang mag-alam tungkol sa mga epekto ng mapandambong na minahan sa kalikasan at sa kabuhayan ng mga mangingisda. Una silang sinampahan ng mga gawa-gawang kasong illegal fishing at paglabag sa mga protokol sa kwarantina ng pandemyang Covid-19. Kinalaunan, dinagdagan ang kanilang kaso ng illegal possession of firearms and explosives.

Si Dioquino ay isang manggagawang pangkultura ng Tambisan sa Sining at matagal na nanilbihan bilang International Officer sa Pambansang Tanggapan ng Kilusang Mayo Uno. Gumanap siya bilang Nanay Mameng sa dulang itinanghal ng SIKAD noong taong 2015. Si Torres ay dating Public Information Officer ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK KMU) at isa sa nagtatag ng Sinagbayan. Si Hilamon ay organisador ng manggagawa sa isla ng Sibuyan, habang si Ramos ay isang aktibo sa pagsulong ng mga karapatan ng mga mangingisda.

Ang kaso ng Romblon 4 ay bahagi ng serye ng nagpapatuloy na atake sa mga unyonista at labor advocates na ginagawa sa bisa ng Executive Order 70, ayon sa mga grupo ng karapatang-tao.

“Pumunta sa Romblon sila Torres upang siyasatin ang nangyayari sa mga manggagawa sa minahan pero ikinulong sila dahil sa gawa-gawang kaso. Katulad na lamang ito ng nararanasan nila Steve Mendoza at Arnedo Lagunias na mga bilanggong pulitikal na nagmula sa hanay ng mga manggagawa,” ayon kay Ludimer Madla ng Defend Workers Southern Tagalog.

Inilunsad ng mga kaibigan at tagasuporta ng Romblon 4 ang isang “benefit gig” pagkatapos ng press conference sa layuning makalikom ng ₱1.6 milyong pampyansa o ₱400,000 kada isa.

AB: Pagpapalaya sa Romblon 4, muling ipinanawagan