Balita

Pagpapanibagong-lakas ng BHB, atas ng Komite Sentral

Inatas ng Komite Sentral (KS) ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pagpapanibagong-lakas sa harap ng tinukoy nitong mga kabiguan, kamalian at mga kakulangan sa nagdaang ilang taon sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Nilaman ito pahayag ng KS sa okasyon ng ika-55 anibersaryo ng Partido.

Ayon sa naturang pahayag, masaklaw na mga problema sa larangan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang ibinunga ng suhetibismo sa ideolohiya. “Sa kabiguang gagapin ang landas ng pag-unlad ng digmang bayan, partikular mula sa unang bahagi tungo sa panggitnang bahagi, at mula sa panggitna tungo sa susunod na bahagi, hindi iilang larangang gerilya ng BHB ang naging tigil at nabahura sa matagal na panahon sa lumang antas,” ayon dito.

Sinabi ng pamunuan ng Partido na ang mga pagkakamali at pagkukulang na ito ay nagresulta sa kabiguan ng maraming yunit ng BHB na matatag na paalun-along palawakin ang mga larangang gerilya alinsunod sa linya ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa.

Panawagan ng KS, na bumawi mula sa mga kabiguan at muling itatag ang baseng masa. Para makapangibabaw sa mga nagdaang pagkakamali at pagkukulang, itinakda ng KS ang sumusunod na mga tungkulin:

  • Dapat palakasin ng Partido ang pamumuno nito sa BHB
  • Dapat mahusay na pagkumbinahin ang pagsusulong ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo, at paglulunsad ng mga kampanyang masang anti-pyudal bilang paraan ng pagbubuo ng baseng masa
  • Dapat ilunsad ang mga pagsasanay sa mga Pulang kumander at mandirigma
  • Buuin ang laking-kumpanyang mga larangang gerilya
  • Maglunsad ng batayan o anihilatibong taktikal na mga opensiba na kayang ipanalo
  • Patuloy na palakasin ang platun bilang batayang yunit ng BHB, at itayo ang istruktura ng kumand sa lahat ng antas
  • Palakasin ang mga sangay at komite ng Partido sa hukbong bayan at ang pampulitikang organo sa loob ng BHB sa lahat ng antas
  • Ibayong palakasin, sanayin at paganahin ang mga yunit ng milisyang bayan, kakumbina ang mga yunit pananggol-sa-sarili ng rebolusyonaryong mga organisasyong masa

Ang pagpapalakas ng BHB at armadong pakikibaka ay kaakibat ng isinusulong ng Partido na kilusang pagwawasto upang ituwid ang mga pagkakamali, kahinaan at pagkukulang sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. “Sa susunod na isa o dalawang taon, dapat itong puspusang isulong at lubusin sa lahat ng antas mula sa Komite Sentral ng Partido hanggang sa lahat ng mga sangay ng Partido,” ayon sa Komite Sentral.

AB: Pagpapanibagong-lakas ng BHB, atas ng Komite Sentral