Balita

Pagpaparehistro ng SIM card, labag sa pribasiya at dagdag na instrumento ng paniktik ng estado

Itinuturing ni Rep. Carlos Zarate, kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso, ang kapapasa lamang sa Kongreso na House Bill 5793 o SIM Card Registration Act na “labag sa ‘right to privacy’ ng mamamayang Pilipino.” Sa ilalim nito, madaling makuha ng estado ang akses at datos ng isang SIM card na daluyan ng pribadong komunikasyon sa pagitan ng mamamayan. Ang SIM (o subscriber identity module) ay ang card na ipinapasok sa mga cellphone at iba pang gamit pangkomunikasyon para maka-akses sa network.

Ipinasa ang naturang panukala sa Kongreso noong Disyembre 9 sa botong 181 pabor at anim na tutol mula sa blokeng Makabayan. Inoobliga ng batas na ito ang lahat ng bibili ng SIM na irehistro ang kanilang numero at magbigay ng personal na datos sa mga kumpanya ng telekomunikasyon at ahensya ng estado para sa akses ng mga pulis at militar. Inilusot ang tiranikong batas na ito sa ngalan ng pagsugpo ng kriminalidad.

Katakut-takot ang mga rekisito bago makabili ng SIM. Kabilang sa i-oobligang ibigay na datos ang buong pangalan, araw ng kapanganakan, kasarian at buong address ng bumibili ng SIM. Alinsunod sa ipinasang panukala, kakailanganing magprisinta ng “valid ID” na mula sa gubyerno ang sinumang gustong bumili ng SIM. Kung walang “valid ID,” kailangang magprisinta ang gustong bumili ng SIM ng sumusunod: NBI clearance, police clearance o birth certificate na kinuha anim na buwan bago ang pagbili. Papatawan ng multa na hanggang ₱1 milyon ang mapatutunayang lumalabag dito.

“Matagal nang tindig (ng blokeng Makabayan) ang pagtutol sa SIM Card Registration,” ayon kay Zarate. Bukod sa akses, madali ring makuha ng estado ang lahat ng datos ng subscriber mula sa kumpanya ng telekomunikasyon. Aniya, hindi malayong gamitin ito ng estado para “matukoy at mabasa ang lahat ng mga text at tawag mula sa mga selpon.”

Matagal nang ginagamit ng estado ang akses nito sa selpon para tiktikan, takutin o sindakin ang mga aktbista at iba pang tumututol sa pagpapalakad ng nakaupong rehimen. Sa ilalim ng HB 5793, kakailanganin diumano ng subpoena o utos mula sa korte para ma-akses ang mga datos na ito. Pero lahat ng mga ito ay maaaring laktawan ng mga ahensya ng paniktik ng estado.

Hindi rin sang-ayon ang mga tagapagtanggol sa karapatan sa pribasiya sa panukalang ito ng Kongreso.

“Marami nang batas at paraan na ipinatutupad ngayon na maaaring gamitin para makuha ang gayong mga datos sa boluntaryong paraan,” ayon kay Pierre Tito Galla ng democracy.net.ph.

Dagdag pa ni Gallla, kung pagsugpo ng kriminalidad lamang ang pakay ng mga awtoridad, sapat nang impormasyon ang simpleng numero ng pinagdududahang kriminal. Aniya, maari nang kumuha ang mga awtoridad ng utos sa korte para sugsugin ang mga bangko at iba pang instrumento sa internet na ginamit ng isang suspek. “Hindi na kailangang gawing rekisito ang pagpaparehistro,” aniya.

Malaking abala sa mga konsyumer ang dagdag na proseso sa pagbili ng SIM, dagdag pa ng mga tumututol dito. Abala rin ito sa mga ahensya ng gubyerno na magiging responsable sa pagkolekta ng datos ng lahat ng gumagamit ng selpon ngayon sa bansa.

Hindi sang-ayon kahit ang National Privacy Commission sa panukalang ito. Sa isang pagdinig sa Senado noon pang Enero, sinabi ng upisyal nitong si Atty. Ivy Grace na oobligahin lamang ng batas ang NPC na magkolekta ng sangkaterbang personal na datos sa pambansang saklaw. “Malaki ang potensyal ng pagkalat ng mga pribadong impormasyon sa ilalim ng sistemang ito,” aniya.

Ibinahagi niya na matagal nang napatunayan na hindi ito epektibo sa pagsugpo sa kriminalidad. Inihalimbawa niya ang kaso sa Mexico na nagpatupad ng rekisitong pagrerehistro ng SIM noong 2009 bilang bahagi ng pagsugpo sa pagbebenta ng iligal na droga, human trafficking at iba pang kriminalidad. Pinawalambisa ang batas noong 2012 dahil sa kainutilan nito.

Sa kabila nito, itinulak pa rin ni Sen. Sherwin Gatchalian ang panukala sa Senado. Pinagbotohan na ang Senate Bill 176 sa antas komite ng Senado noong Setyembre 13.

Nagbabala kahit ang mga internasyunal na grupo na nagtatanggol sa pribasiya laban sa pagsasabatas ng SIM card registration. Ayon sa Privacy International, ang ganitong sistema ay magastos, labag sa pribasiya ng komunikasyon at ng indibidwal, discriminatory at di solusyon sa mga problemang layunin nitong resolbahin.

Anito, sa mga bansang walang sapat o di epektibo ang mga batas sa pribasiya, maaaring ibahagi at idugtong ng mga estado ang mga datos na inirehistro para lumikha ng mga komprehensibong “profile” ng mga pribadong indibidwal. Maaari itong gamitin para targetin ang sinumang gusto nitong tiktikan na bulnerableng indibidwal o anumang sektor. Nagbibigay ito ng dagdag na instrumento sa estado para tukuyin at targetin ang mga aktibista, tagapagtanggol sa karapatang-tao at mga kalaban sa pulitika.

Sa pamamagitan din nito, ayon sa grupo, maaaring idugtong ng sinumang nasa pwesto ang isang numero sa selpon sa isang botante at kung sinu-sino ang kanyang ibinoto, o sa kanyang mga rekord pangkalusugan — mga pribadong datos na protektado sa ilalim ng maraming konstitusyon.

AB: Pagpaparehistro ng SIM card, labag sa pribasiya at dagdag na instrumento ng paniktik ng estado