Balita

Pagpapatupad ng mandamyento de aresto ng ICC, hindi imposible sa Pilipinas

,

Inilinaw noong Pebrero 10 ng mga abugado ng mga biktima ng “gera kontra-droga” na dumulog sa International Criminal Court na “hindi imposible” na maipatupad ang pag-aresto sa sinumang mapatutunayang nagkasala ng krimen laban sa sangkatauhan sa konteksto ng nagaganap na imbestigasyon kaugnay dito sa Pilipinas.

“Ang mandamyento de aresto na ilalabas ng ICC ay kailangang ipatupad ng pwersa ng mga pulis saanman sa 123 myembrong bansa nito,” ayon sa Natonal Union of People’s Lawyers at Rise up for Life and for Rights. Habang hindi na myembro ng ICC ang Pilipinas, maaari pa ring matulak ng ibang dahilan ang Philippine National Police na ipatupad ito, ayon sa mga abugado.

Isa sa maaaring maganap ang pag-uutos ng presidente ng Pilipinas na ipatupad ang mandamyento sa bisa ng isang extradition request, o bilang pagsunod sa internasyunal nitong mga obligasyon. Gayundin, myembro ang Pilipinas ng International Criminal Police Organization (Interpol), na may kasunduan sa pagbabahaginan ng datos at kooperasyon sa ICC. Anang mga abugado, maaari itong humingi ng tulong sa Interpol para magbigay ng impormasyon at komunikasyon kaugnay sa mga pugante. Hanggang hindi napatutupad, may bisa ang isang internasyunal na mandamyento de aresto.

“Liliit at liliit ang mundo para sa mga lumalabag sa karapatang-tao at mga internasyunal na kriminal,” ayon sa mga grupo. “At dapat lamang ito.”

Samantala, kinundena ng mga abugado ang “pangga-gaslight” ng mga target ng imbestigasyon sa mga biktima ng “gera kontra-droga.” Binatikos nila ang tuluy-tuloy na pang-aatake ng mga Duterte, kabilang si Sara Duterte, at ni Bato de la Rosa sa ICC.

Anang mga abugado, may oportunidad ang mga ito na lumahok sa proseso, para upisyal nilang mairehistro ang kanilang mga pagtutol at pahayag. Sa ngayon, para lamang silang “kumakausap ng poste” sa kanilang mga patutsada.

“Nasa interes nila na ipaabot nang pormal ang kanilang paninindigan bago magdesisyon ang ICC kung mayroon nga bang rasonableng basehan na isangkot sila sa mga krimen laban sa sangkatauhan sa Pilipinas,” ayon sa mga abugado.

AB: Pagpapatupad ng mandamyento de aresto ng ICC, hindi imposible sa Pilipinas