Pagpatay ng 7th IB sa 16-anyos sa Sultan Kudarat, kinunenda ng NDFP

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Special Office for the Protection of Children (SOPC) ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pagpatay ng 7th IB sa 16-anyos na estudyante na si Eusibio Cranzo, na kilala rin bilang Kuni Cuba, noong Hunyo 9 sa Sityo Kiluding, Barangay Kiadsam, Sen. Ninoy Aquino, Sultan Kudarat. Naganap ang pamamaslang higit isang linggo matapos gunitain ang International Day for the Protection of Children noong Hunyo 1.

Ayon sa ulat, pauwi si Cranzo kasama ang kanyang kapatid at dalawang kaibigan nang mangyari ang pamamaslang. Nakasalubong nila ang nag-ooperasyong yunit ng 7th IB nang paputukan sila. Agad na tinamaan si Cranzo, habang nakatakbo sa katabing maisan ang tatlo niyang kasama. Pinalalabas ng mga sundalo na nakumpiska sa biktima ang isang ripleng Garand at pinaratangan siyang myembro ng Bagong Hukbong Bayan.

Pinasinungalingan na rin ng pamilya at mga kababaryo nila ang paratang ng militar na kasapi si Cranzo ng hukbong bayan. “Ang palusot ng AFP na [si Cranzo] ay kasapi ng BHB ay walang iba kundi mapang-uyam at tangkang paninisi para bigyang katwiran ang kanilang barbaridad,” ayon kay Ka Coni Ledesma, pinuno ng SOPC-NDFP.

Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ng AFP ang luma at walang-lamang retorika para pagtakpan ang kanilang mga pag-abuso sa karapatang-tao. “Malinaw rin na sa ilalim ng rehimeng Marcos, sistematikong nilalabag ang karapatan ng mga bata at binabaliwala ang internasyunal na makataong batas,” dagdag pa ni Ka Coni.

Matingkad na paalala umano ang nangyaring pagpatay kay Cranzo na tatak ng rehimeng Marcos ang sistematikong karahasan at pagpapanatili ng kulutura ng kawalang pananagutan. “Habang ginugunita sa ibang panig ng mundo ang pangangalaga at pagtataguyod sa karapatan ng mga bata ngayong Hunyo, ang papet na estado ng Pilipinas sa ilalim ni Marcos ay nagpapatuloy sa kampanya ng terorismo nito laban sa sariling mamamayan, at tinatarget kahit ang pinakabulnerable at walang kakayahang magtanggol,” ayon pa kay Ka Coni.

Nanawagan ang SOPC-NDFP sa internasyunal na komunidad na kundenahin ang karumal-dumal na krimen na ito at kumilos para kamtin ang hustisya para kay Cranzo at marami pang batang biktima ng papet na estado ng Pilipinas. Dapat umanong papanagutin si Marcos Jr at kanyang mga tropang militar sa kanilang mga krimen sa digma.

Matatandaan na noong Mayo 18 ay kabilang si Marcos Jr sa hinatulan ng International Peoples’ Tribunal (IPT) na nagkasala, kasama ang rehimeng Duterte, ang gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), at ang US na kinakatawan ni Joseph Biden, sa paglabag sa mga karapatang-tao ng mga Pilipino, at sa internasyunal na makataong batas.

Ang IPT ay isang pandaigdigang hukuman na binubuo ng mga ekspertong ligal na nag-iimbestiga sa mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas sa iba’t ibang bansa. Itinatag ito noong 1979 at nakapagdaos na ng 46 na sesyon, kabilang ang anim tungkol sa Pilipinas.

AB: Pagpatay ng 7th IB sa 16-anyos sa Sultan Kudarat, kinunenda ng NDFP