Pagpatay sa kalabaw, paninira sa palay ng AFP, salot sa mga taga-Central Panay
Walang kapantay na kahirapan ang idinudulot mga focused military operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga komunidad ng magsasaka sa Central Panay.
Pinangungunahan ng mga yunit ng 12th IB, 82nd IB, 61st IB at DRC sa ilalim ng 301st IBde ang paghahasik ng terorismo sa mabundok na hangganan ng Antique, Aklan, Capiz at Iloilo.
Sa Iloilo, basta-bastang binaril at pinatay ng mga sundalo ang kalabaw ng isang magsasaka sa Barangay Cabatangan, Lambunao noong Agosto 9. Malaking dagok ito sa kabuhayan ng naturang magsasaka. Sa kabila ng perwisyong dala nito, walang nanagot sa hanay ng mga sundalo.
Sa bayan ng Calinog, ginawang lapagan ng helikopter ng militar ang isang palayan sa Barangay Caratagan. Inapak-apakan ng mga sundalo at sinira ang tanim na palay na malapit na sanang anihin. Hindi pinanagutan ng mga sundalo ang nasirang pananim.
Liban dito, iniulat ng mga residente ang pagpapataw ng blokeyo sa pagkain ng mga sundalo sa Calinog at Lambunao sa Iloilo. Hanggang tatlong gantang lamang ng bigas ang pinayagan ng mga sundalo na bilhin ng kada pamilya. Napakalaking perwisyo nito sa mga residente dahil kailangan nilang bumyahe nang dalawang oras para makaabot sa sentro ng Barangay Caratagan, Calinog para bumili ng kanilang mga pangangailangan.
Nagtayo rin ng tsekpoynt ang mga sundalo sa mga bukiring komunidad. Kada may dumadaan, hinahalungkat at iniinspeksyon nila ang mga biniling produkto. Kapag nakitang marami ang ipinamili ng isang residente, walang batayang pinararatangan siyang bumibili ng suplay para sa Bagong Hukbong Bayan.
Labis ang galit ng mga residente sa ginagawang ito ng mga sundalo. Anila, namimili ng bultuhan ang mga tagaroon para makatipid ng gastos sa pamasahe. Kung minsan pa nga, kwento nila, ay nakikisuyo sa kanila ang mga kapitbahay at mga kamag-anak para isahan na lamang ang pamimili.
Dagdag pahirap rin sa kanila ang pagbabawal na makapunta sa kanilang sakahan. Kahit ang paglalanot, paghahanap ng uway, banban at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan ay ipinagbabawal.