Pagrepaso sa programang K to 12, muling ipinanawagan ng mga guro
Muling nanawagan ang mga guro ng Alliance of Concerned Teachers noong Hunyo 21 na repasuhin ang Enhanced Basic Education Act (K to 12 Law), ang batas na nagpalawig sa edukasyong elementarya at hayskul mula 10 taon tungong 12 taon. Kaugnay ito sa palipad-hanging deklarasyon ni Ferdinand Marcos Jr noong Hunyo 20 na animo’y sumusuporta sa pagbabasura ng naturang programa.
“Nagdulot ang programang K to 12 ng di mabilang na problema sa kasalatan ng pasilidad, kagamitang panturo at walang sapat na suportang sahod at benepisyo para sa mga guro at ibang manggagawa sa edukasyon, palagiang kakulangan sa pondo para sa mga rekisito ng batayang edukasyon, sobrang pagpapatrabaho sa mga guro at pagbaba ng kalidad ng edukasyong tinatamasa ng mga estudyante,” paalala ni ACT Rep. France Castro.
Hindi pinaunlad ng programang K to 12 ang kurikulum ng batayang edukasyon, aniya. “Dinagdagan lamang nito ng dalawang taon ang hayskul, at pinakasiksik pa nga ang mga aralin kung kaya maraming mga estudyante ang napag-iwanan.” Sa nakaraang mga taon, tinanggal sa elementarya ang asignatura na Philippine History, at lenggwahe at literaturang Filipino sa kolehiyo billang resulta ng implementasyon ng programa.
Pero babala ni Rep. Castro, ang pagrepaso o pagbasura ng K to 12 ay dapat magresulta sa paglalatag ng edukasyong nasyunalista, syentipiko at maka-masa, at hindi para bigyan daan ang sapilitang pagsasanay militar na isinusulong ni Sara Duterte. “Siguradong hindi (ito) makatutulong sa pag-unlad at pagresolba sa krisis sa edukasyon na nararanasan natin ngayon.”
Binweltahan naman ng grupong Tanggol Wika ang pahaging ni Marcos Jr na gagawing solong lengwahe ng pagtuturo ang Ingles. “Walang silbi ang anumang pagbabago sa kurikulum at walang magbabago kung ipatutupad ng gubyerno ang di lohikal na paggamit sa Ingles bilang solong lengwahe ng pagtuturo para sa Syensya, Matematika at ibang kaugnay na larangan sa batayang edukasyon,” ayon sa grupo.
Tinukoy ng Tanggol Wika ang mababang grado ng Pilipinas sa isang internasyunal na grupong nagtatasa sa kakayahan ng mga estudyante. Noong 2018, pinakamababa ang ranggo ng Pilipinas sa tinasang mga bansa sa pagbabasa, matematika at syensya. Ang dahilan, ayon sa ulat, ay ang mababang paggasta kada estudyante… at dahil iba ang ginagamit na lengwahe ng 94% ng mga 15-taong gulang na mga estudyante sa kanilang mga tahanan, at hindi ang wikang Ingles na siyang lengwahe sa mga pagsusulit.