Balita

Pagsumite ng dokumento ng rehimeng Duterte, inobliga ng ICC

,

Inobliga ng International Criminal Court ang gubyerno ng Pilipinas na magsumite ng mga dokumento para patunayan ang hiling nito na ipagpaliban ang pormal na imbestigasyon ng korte sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Rodrigo Duterte. Ito ay matapos maghapag ng pagtutol ang mga grupong nagtatanggol sa mga karapatang-tao at abugado sa temporaryong suspensyon ng isinasagawang imbestigasyon ng ICC.

Ayon kay Karim Khan ngayong araw, Nobyembre 24, dapat kagyat na magbigay ng “sustantibong impormasyon” ang Pilipinas kaugnay sa kahilingan nito na ipagpaliban ang imbestigasyon. Isinuspinde ng korte ang imbestigasyon noong Nobyembre 18 matapos hingin ito ng gubyerno ng Pilipinas sa batayang may imbestigasyon na diumano ang gubyernong Duterte sa mga pamamaslang sa ilalim ng “gera kontra-droga.”

(Ang hiling ay idinaan sa ambasador ng Pilipinas sa The Netherlands na si Eduardo Malaya. Ang imbestigasyon na tinutukoy ni Malaya ay ang imbestigasyon ng Department of Jusitce (DoJ) sa 52 piling mga kaso.)

Inilinaw ni Khan na bagamat temporaryong nakasuspinde ang pormal na imbestigasyon, magpapatuloy ang pagsusuri ng kanyang upisina sa mga datos na naisumite na sa korte. Patuloy din itong tatanggap ng mga bagong impormasyon at aktibong pangangalagaan ang mga ebidensya. Bibigyan din diumano ng korte ng partikular na atensyon ang seguridad at kapakanan ng mga biktima at saksi sa panahong nakasuspinde ang imbestigasyon.

Kabilang sa mga tumutol sa suspensyon ng imbestigasyon ang National Union of People’s Lawyers, ang grupo ng mga abugado na humahawak sa mga kasong nakasampa sa ICC.

“Hinihikayat namin ang ICC na huwag magpadala sa mga pahayag ng administrasyong Duterte,” ayon sa pahayag ng grupo noong Nobyembre 20. “Taliwas ito sa nagaganap sa aktwal na buhay at hindi dapat basta-bastang tinatanggap.”

Iilan lamang ang 52 sa laksa-laksang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang na kailangang imbestigahan, ayon pa sa NUPL. Hindi saklaw ng imbestigasyon ng DoJ ang pananagutan ni Duterte at matataas na upisyal na sangkot sa mga krimen.

“Ang nahuhuling hakbang na ito ng gubyerno ng Pilipinas ay pagtatangka lamang na linisin ang madugong sentral na programa (ng administrasyon),” ayon sa grupo.

Tinawag ng mga abugado ang sistema sa hustisya ng Pilipinas na “sobrang bagal at hindi epektibo” para sa mahihirap. Minamanipula rin ito para iligtas ang mga salarin sa kanilang mga pananagutan.

Nagpahayag rin ang Free Legal Assistance Group, isa pang grupo ng mga abugado, ng pagtutol sa hakbang ng ICC noong Nobyembre 23. Anito, hindi sinaklaw ng imbestigasyon ng DoJ ang mga kaso sa Davao noong meyor si Duterte doon. Ang mga pulis na sangkot sa 52 kaso ay sinuspinde lamang, kundiman pinatawan ng napakababang mga parusa, ayon pa sa mga abugado.

Nagpahayag naman ng labis na pagkadismaya ang International Coalition for Human Rights in the Philippines sa hakbang ng ICC noong Nobyembre 20.

AB: Pagsumite ng dokumento ng rehimeng Duterte, inobliga ng ICC