Balita

Pagtanggi ng AFP-PNP na makipagtulungan sa CHR-Negros, pagtatago sa katotohanan

,

Kinundena ng Karapatan, grupo sa karapatang-tao, ang pagtanggi ng mga pwersa at yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na makipagtulungan sa Commission on Human Rights (CHR)-Negros para imbestigahan ang mga “engkwentro” na pumatay sa mga magsasakang binabansagang nitong mga “komunista.” Isiniwalat ni Vincent Parra, pinuno ng CHR-Negros, sa isang interbyu sa radyo noong Marso 8 ang pagtangging ito ng AFP at PNP.

Ayon kay Parra, tumanggi ang militar at pulis na ibigay sa CHR ang mga dokumentong kinakailangan at mahalaga sa kanilang mga kaso, laluna ang may kaugnayan sa mga “engkwentro” na pawang magsasaka ang biktima. Pahayag niya, “hindi bukas (transparent) ang AFP at PNP sa kanilang mga ulat tungkol sa mga pagkamatay…”

Naunang ipinahayag ng AFP-PNP na makikipagtulungan sila sa mga grupong magsasagawa ng “independyenteng imbestigasyon,” pero giit ni Parra, tila hanggang sa papel lamang ang pagrespeto ng AFP-PNP sa mandato ng CHR.

Nagtataka siya kung bakit ipinagkakait sa kanila ang mga rekord kaugnay ng imbestigasyon. Aniya, kung lehitimo ang iniuulat na mga engkwentro, hindi dapat sila matakot. Hindi ibinibigay sa komisyon ang mga spot report, battle report at ang mga ulat sa imbestigasyon, na maituturing na mga pampublikong dokumentong.

“Pinapaypayan ng aksyong ito ng AFP-PNP ang…mga suspetsa na pilit nitong pinipigilang masiwalat ang katotohanan at may pananagutan sila sa pag-iral ng impunity na pumipigil sa hustisya at pagpapanagot,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupong Karapatan.

Sa talaan ng Ang Bayan, hindi bababa sa 345 ang bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ng mga pwersang militar at pulis sa isla ng Negros mula Disyembre 2022 hanggang Disyembre 2023. Sa panahong ito, 35 ang pinaslang. Kabilang dito ang pagmasaker ng 94th IB sa pamilyang Fausto sa Barangay Buenavista, Himamaylan City noong Hunyo 2023.

Sumulat din ang Karapatan sa pambansang upisina ng CHR at kay Richard Palpal-latoc, chairman ng CHR, para imbestigahan ang hindi pakikipagtulungan ng AFP-PNP sa lokal na ahensya nito sa Negros. Hinamon niya rin ang ahensya na ituloy ang mga imbestigasyon kaugnay ng umano’y mga engkwentro at bigyang hustisya ang mga biktima nito.

AB: Pagtanggi ng AFP-PNP na makipagtulungan sa CHR-Negros, pagtatago sa katotohanan