Pagtatambak ng armas at matagalang presensya ng militar ng Canada at UK sa Pilipinas, tusong inilulusot
Di na lamang US ang papayagan ng rehimeng Marcos Jr na magtambak ng tropa, mga sandata at gamit-militar sa Pilipinas, pati Canada at United Kingdom ay pahihintulutan na rin nito sa ilalim ng nilulutong mga kasunduang militar sa pagitan nito at nabanggit na mga bansa.
Isang kasunduan sa “enhanced defense cooperation” o EDCA ang sinasabing “inaayos” na sa pagitan ng Pilipinas at Canada, ayon kay Gilbert Teodoro Jr, kalihim ng Department of National Defense noong Enero 16. Pipirmahan ito sa loob ng unang kwarto ng taon. Katulad sa EDCA ng bansa sa US, iniikutan nito ang pagbabawal sa pagtatayo ng mga base militar, pagtatambak ng mga armas pandigma, at pagpasok ng mga armas nukleyar. Naghahabol din ang Canada ng sariling Visiting Forces Agreement na tiyak na magbibigay ng parehong mga pribilehiyo sa mga tropang Amerikano ngayon sa bansa.
Katulad ng EDCA at VFA ng US sa Pilipinas, tiyak ring pahihintulutan ng papet na rehimeng Marcos Jr ang matagalang presensya ng mga dayuhang tropang Canadian.
Nangangailangan ng pagsang-ayon ng mayorya ng Senado ang isang tratadong militar. Nilusaw ng Senado ang huling gayong tratado, ang US-Philippine Military Bases Agreement noong 1991, na sumipa sa mga pwersa ng US sa malalaking base militar nito sa Subic at Clark. Sa VFA, walang awtoridad ang Pilipinas sa mga sundalong Amerikanong pumapasok sa Pilipinas, kahit pa nakagawa ng mga krimen. May mga ekstra-teritoryal din silang karapatan sa inako nilang mga “EDCA site” na walang iba kundi mga base militar.
Magkakaroon din ng “kasunduan” ang Pilipinas at UK para pahintulutan ang presensya ng mga tropa ng huli sa mga isinasagawang wargames ng US sa kalupaan at soberanong karagatan ng bansa sa susunod na limang taon.