Pagtatanggal ng programang SHS sa mga SUC at LUC, binatikos
Binatikos ng mga guro at kabataang estudyante ang inilabas na memorandum ng Commission on Higher Education (CHEd) na nagsasabing ihihinto na ang mga programang Senior High School (SHS) o Grade 11 at 12 sa mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) sa darating na taong pampaaralan 2024-2025. Bahagi umano ito ng pagbitaw ng ahensya sa tinawag na transisyon sa ilalim ng K-12, at pagpapaubaya nito sa Department of Education.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), labis ang kanilang pag-aalala at pagkadismaya sa direktibang ito na anila ay magdudulot ng matitinding epekto sa akses ng mga estudyante sa libreng edukasyon, at gayundin sa kalagayan sa trabaho ng mga guro sa pampublikong eskwelahan.
“May siginipikanteng epekto ito sa mga estudyante, partikular ang mga posibleng mawalan ng akses sa libreng edukasyon dahil sa kahirapan sa pinansya,” ayon pa sa ACT. Matutulak umano ng sitwasyon ang mga estudyante na pumasok na lamang sa pribadong mga eskwelahan, na dagdag pabigat sa kanilang pamilya. Higit na pararamihin umano nito ang dati nang maraming bilang ng mga estudyanteng nagda-drop out mula sa eskwela.
Dagdag ng mga guro, patitindihin nito ang dati nang kakulangan ng mga pampublikong eskwelahan na may programang SHS. “Hahantong ito sa labis-labis na trabaho at overload ng mga guro na tatanggap sa mga lilipat na estudyante,” ayon sa ACT.
Para naman sa League of Filipino Students (LFS), marami na nga ang nahihirapan sa bulok na programa ng SHS at K-12 ay palulubhain pa ito ng basta-bastang pagtatanggal ng programang SHS sa mga SUC at LUC.
Giit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro, “dapat suspindehin ang implementasyon ng mga memo na ito habang walang masinsing konsultasyon sa lahat ng mga stakeholder at kanilang kagalingan laluna ang mga estudyante at guro.”
“Sa sinasabi ng DepEd at CHed na dapat na limang taon lamang ang programang ito ay dapat na lalo nilang napaghandaan ang konsultasyon para dito hindi yung bigla na lang na maglalabas na lamg agad ng memo na libu-libo ang apektado,” pahayag pa niya.