Pagtatayo ng San Miguel Corporation ng "biodiversity offset site," kinutya ng mga syentista
Kinutya ng mga syentista ang inianunsyo ng San Miguel Corporation na pagtatayo ng biodiversity offset site sa Barangay Pamarawan, Malolos City sa Bulacan. Ayon sa Agham, isang grupo ng mga syentista, wala itong iba kundi “greenwashing” o pagtatakip sa malawakang paninira ng kumpanya sa kalikasan.
Sasaklawin ng tinaguriang Saribuhay sa Dampalit ang 40 ektarya bakawan para maging “feeding ground” ng mga dayong ibon. Tinagurian itong isang “biodiversity offset site” para diumano bawasan ang malalaking pinsala na idinudulot ng isang proyekto, na ang tunay na kahulugan ay pagtakpan ang proyektong Aerotropolis (New Manila International Airport) sa pangwawasak nito sa sa kalikasan at kabuhayan. Itinayo ito ng SMC sa hilagang baybayan ng Bulacan na pawang mga bakawan at pangisdaan.
“Saribuhay sa Dampalit? Saribuhay ang pinampalit!” kutya ng Agham sa proyekto. Ayon sa grupo, bahagi ito ng pagtatangka ng SMC na palabasing “sustenable” at di nakasisira sa kalikasan ang Aerotropolis habang binabalewala ang pagtutol dito ng mga syentista at komunidad dahil sa pinsalang dala nito sa biodiversity at natural na ekolohiya ng lugar.
“(H)indi dapat ipinampapalit ang mga biodiversity site tulad ng Saribuhay sa Dampalit sa negatibong mga epekto ng mga proyekto,” ayon sa grupo. “Ang dapat na pokus ay ang pagbabawas ng pinsala sa pamamagitan ng pagtigil ng lahat ng reklamasyon sa Manila Bay at pagpapataw ng moratoryum sa bagong mga proyekto.”
Ayon sa grupo, wawasakin ng Aerotropolis ang mayamang biodiversity sa lugar na sasaklawin nito at lampas pa. Nasa inisyal na dregding at reklamasyon pa lamang proyekto pero sinira na ito ang 2,300 ektarya ng mga bakawan, na nagdulot ng pagbagsak ng bilang ng mga ibon sa katubigan at nagwasak sa natural na lugar paitlugan ng mga isda. “Kakailanganin ng di bababa sa 25,000 ektarya ng bagong mga bakawan para matumbasan ang napinsala,” anito.