Pagtitipon ng mga lider-estudyante ng UP sa Mindanao, ginipit ng mga pulis

,

Hinarang ng mga pulis ang mga lider-estudyante mula sa iba’t ibang kampus ng University of the Philippines (UP) na delegado sa ika-55 General Assembly of Student Councils (GASC) na ginaganap sa Davao City ngayong taon. Nakatakda silang maglunsad ng kilos protesta sa Freedom Park sa syudad noong Agosto 16 nang harangin at gipitin sila ng mga pulis.

Binantaan din ng mga pulis na hulihin ang walong dyip na inarkila ng mga lider-estudyante dahil sa kawalan umano ng permit ng mga ito at hindi pagsunod sa linya ng pamamasada. Nagtamo ng konting galos ang dalawang delegado na sina Siegfred Severino at Cleisteil Cimafrance matapos igiit ang kanilang karapatan sa malayang paglulunsad ng mapayapang protesta.

Ipinagpatuloy na lamang nila ang kanilang programa sa harap ng kampus ng UP Mindanao upang kundenahin ang harasment. “Kitang-kita natin ang paniniil ng PNP. Hindi bago sa aming mga taga-Cordillera ang mga paniniil ng military. Apat na katao ang inaresto sa amin.” sambit ni Iya Trinidad, Student Regent (SR) nominee mula sa UP Baguio.

Ipinresenta naman ni JPEG Garcia na SR nominee mula sa UP Los Baños ang datos ng kaso ng intimidasyon sa mga estudyante ng UP. “Nakapagtala ang Defend UP Network ng 64 insidente ng pagpasok ng mga tauhan ng pulis at militar sa mga kampus ng UP” aniya.

Nagsagawa ng pagkilos ang mga estudyante ng UP para tutulan ang pagpaprayoridad ng estado sa Manadatory ROTC at ang pagkaltas ng malaking badyet para sa mga pampublikong pamantasan tulad ng UP.

Samantala, nababahala ang mga estudyante sa sarbeylans na isinasagawa ng mga ahente ng estado simula unang araw pa lang ng kanilang asembliya. Kaninang umaga lamang ay may namataan silang drone sa umaaligid sa kanilang benyu habang nagdaraos ng aktibidad.

AB: Pagtitipon ng mga lider-estudyante ng UP sa Mindanao, ginipit ng mga pulis