Balita

Pagtubo ng US sa gerang Ukraine, inalmahan ng EU

,

Ibinalita noong huling linggo ng Nobyembre ng mga pahayagan sa Europe ang disgusto ng mga upisyal ng European Union sa “profiteering” o pagsasamantala ng US sa gera sa Ukraine para magkamal ng bilyun-bilyong tubo.

Anila, ang US ang pinakanakikinabang sa gera hindi lamang dahil nakapagbebenta ito ng napakaraming armas, kundi dahil nakapagbebenta rin ito ng gas sa mas mataas na presyo. Matatandaang ipinasara ng US ang daluyan ng natural gas mula Russia patungo sa mga bansa sa Europe bilang bahagi ng mga sangsyon kontra sa Russia. Dahil dito, napilitan ang maraming bansa sa Europe na kumuha ng LNG (liquefied natural gas) sa US na may apat na beses na patong sa orihinal na presyo nito, at igawa ng mga bagong lagakan. Ang nagtataasang presyo ng gas ang nagpalala sa resesyon ng mga ekonomya na idinulot ng pandemyang Covid-19. Pinasirit nito ang cost of living at implasyon sa buong Europe.

Noong Oktubre, tinuligsa ng prime minister ng France ang US sa pagbenta nito ng LNG (liquefied natural gas) nang apat na beses na mas mahal kumpara sa presyo sa sariling bansa. Ginagamit sa Europe ang LNG bilang pampainit (heating) sa kanilang mga bahay at establisimyento laluna sa panahon ng winter o taglamig. Bago sumiklab ang gera sa Ukraine, sangkatlo ng pangangailanang LNG ng buong Europe ay nagmumula sa Russia. Mula Enero 2022, nagawa ng US na doblehin ang iniluluwas nitong LNG sa Europe.

Nangangamba rin ang naturang mga upisyal na lilipat ang mga industriyang nakabase sa Europe tungo sa US dulot ng napakataas na gastos sa enerhiya. Paparami ang mga kumpanyang nagmamanupaktura ng mga produktong may sangkap na gas, tulad ng mga pataba, ang napilitan nang magsara. May mga multinasyunal na kumpanya naman na nag-anunsyo ng paglipat sa US ng kanilang mga operasyon para makatipid sa gastos sa enerhiya.

Samantala, nag-ulat ang mga bansa sa Europe ng kasalatan sa armas dahil sa pag-obliga ng US na magpadala ang mga ito ng bala, misayl at iba pang gamit pandigm sa Ukraine. Ginagamit ng US ang kasalatang ito para mabilis na magmanupaktura at magbenta pa ng mas maraming armas at ungusan ang mga karibal nitong mga kumpanya sa armas sa Europe.

AB: Pagtubo ng US sa gerang Ukraine, inalmahan ng EU