Balita

Pakikiisa sa paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Batas Militar, ipinaabot ng CPI (Maoist)

Ipinaabot ni Kasamang Amrut, tagapagsalita ng Communist Party of India (CPI-Maoist) para sa internasyunal na mga usapin, ang pakikiisa sa paggunita ng sambayanang Pilipino sa ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ngayong araw.

Ayon kay Kasamang Amrut, dapat bigyan ng rebolusyonaryong pagpupugay ang lahat ng mga martir at nag-alay ng buhay sa paglaban sa diktadura. “Wala ni isang tagumpay na walang sakripisyo ng mga bayaning Pilipino,” pahayag ni Kasamang Amrut.

Binigyang pugay din niya ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ang rebolusyonaryong kilusan sa bansa dahil sa pamumuno nito sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino noong panahon ng diktadura. Ayon sa kanya, “nagsimulang maliit ang inyong kilusan tulad sa ibang mga bansa ngunit napatunayan niyo na maaari itong maging isang naglalagablab na apoy.”

Dagdag niya, sa kabila ng panunupil noong panahon ng batas militar, nagawang maging “alternatibong pwersa” ng rebolusyonaryong kilusan na mayroong mahusay na rebolusyonaryong baseng masa. Nagawang pangibabawan ng BHB at Partido ang batas militar at mga kontra-insurhensyang kampanya kasunod nito. Nakaiiral ngayon ang BHB sa higit 110 larangang gerilya sa buong bansa na may ilampung milyong baseng masa.

“Lahat ng kampanyang panunupil kabilang ang batas militar ng mapagsamantalang naghaharing mga uri ay walang iba kundi manipestasyon ng nagpapatuloy na pandaigdigang krisis,” ayon kay Kasamang Amrut.

Ayon pa sa kanya, paiigtingin lamang ng kasalukuyang gubyerno ng Pilipinas ang kampanyang panunupil sa kumpas ng imperyalista nitong mga amo. Ngunit nakatitiyak siya na makapagkakamit lamang ng ibayong mga tagumpay at susulong ang BHB at rebolusyonaryong kilusan sa bansa.

“Ang bawat rebolusyonaryong kilusan ay sumusulong sa pagbigo sa kontra rebolusyonayong digma. Nagawa ninyong biguin ang maraming kontrarebolusyonaryong digma ng naghaharing mga uri sa Pilipinas at nakapagtayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga baseng erya,” dagdag ni Kasamang Amrut.

Pagtatapos niya, “sana ay makapagkamit pa ng dagdag na mga tagumpay ang mamamayang Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng PKP at walang batas militar na makapipigil sa kanila.”

AB: Pakikiisa sa paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Batas Militar, ipinaabot ng CPI (Maoist)