'Palarong ROTC' sa Visayas, binatikos ng mga kabataan

Binatikos ng mga kabataan at organisasyon sa West Visayas State University (WVSU) ang inilulunsad na Reserved Officers’ Training Corps (ROTC) Games ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamantasan simula ngayong araw hanggang Agosto 19. Ayon sa mga estudyante, bukod sa gagamitin ito para pabanguhin ang nakasusulasok na kasaysayan ng ROTC at AFP, aabalahin nito ang pagbubukas ng klase sa pamantasan bukas, Agosto 14.

Lumalahok sa naturang aktibidad ang mga kadete ng ROTC at sundalo ng AFP mula sa mga rehiyon sa Visayas na pansamantalang hihimpil sa pamantasan sa loob ng isang linggo.

Nagtipon ngayong araw ang mga konseho ng mag-araal, mga organisasyon at estudyante ng WVSU sa loob ng kampus para muling ipahayag ang kanilang pagtutol sa aktibidad. Nauna na nilang inilabas ang isang nagkakaisang pahayag na pinirmahan ng 26 na mga samahan noong Agosto 11 na tumututol sa palarong ROTC, mandatory ROTC at paggigiit ng dagdag badyet para sa pampublikong edukasyon.

“Naniniwala ang mga estudyante na ang aktibidad na ito ay hindi tugma sa paninindigan ng WVSU para sa kapayapaan, pagiging inklusibo, at mithiing pang-akademiko na kinakatawan nito,” ayon sa Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (SAMASA)-WVSU. Giit din nila, gagamitin itong tuntungan para sa pagtutulak ng Mandatory ROTC at militarisasyon sa kampus.

Sa naunang pahayag ng 26 na grupo, sinabi nitong “ang nakababahalang alyansang ito ng WVSU at AFP, sa kabila ng kasaysayan ng huli sa paghamak sa demokratikong mga karapatan, ay nagpapanumbalik sa nakalulungkot na pangyayari mula sa panahon ng Batas Militar.” Giit pa nila, ang desisyon na ilunsad ang 2023 Philippine ROTC Games ng pamantasan ay nagbunga ng pangamba sa mga estudyante sa posibleng militarisasyon ng mga akademikong espasyo.

Binatikos din ng mga grupo ang paglulustay ng pondo ng bayan sa ganitong klaseng mga aktibidad. Anila, imbes na gumastos sa mga aktibidad na nagtataguyod ng Mandatory ROTC mas mainam na gamitin ang rekurso ng bayan sa pagtataguyod sa karapatan ng mga estudyante at kabataan. Kasabay nito, iginiit nilang dapat dagdagan ang badyet para sa mga state universities at college.

“Pinatatampok nito ang maling prayoridad [ng WVSU] dahil dapat unahin nito ang pagkatuto ng mga estudyante bago ang mga aktibidad na pumupuri sa isang programa na mayroong kasaysayan ng pang-aabuso at karahasan,” ayon sa pahayag ng mga grupo.

AB: 'Palarong ROTC' sa Visayas, binatikos ng mga kabataan