Pamamahagi ng tulong sa mga magsasakang apektado ng tagtuyot, isinagawa sa Bulacan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa harap ng inutil na pagtugon ng rehimeng Marcos sa pananalasa ng tagtuyot ngayong panahon ng El Niño, nagtulung-tulong ang mga demokratikong organisasyon at sektor para umagapay sa mga magsasakang apektado ng tagtuyot sa Bulacan. Namahagi ng tulong na pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ang Sagip Kanayunan, Youth Action on El Niño Network, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at iba pang mga samahan.

Hindi bababa sa 210 pamilyang magsasaka at manggagawang-bukid mula sa Calumpit, Plaridel at Malolos ang nakatanggap ng tulong. Sinalubong ang mga organisasyon ng maiksing programa sa mga komunidad sa pangunguna ng mga lokal na lider-magsasaka at dumalo maging ang ilang mga upisyal ng barangay.

Sa konserbatibong taya ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa ₱6.35 bilyon ang pinsalang dulot ng tagtuyot kung saan pinakamataas ang sa sektor ng palay na ₱3.3 bilyon. Apektado ng salanta ang may 112,000 ektaryang lupang pang-agrikultura kung saan tuluyang napinsala ang aabot sa 30% nito.

Sa buong Central Luzon, nasa 20,300 pamilya lamang ang sinasabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sinalanta ng tag-init at tagtuyot. Ayon sa ahensya, 1,071 pamilya lamang ang nangangailangan ng tulong sa Bulacan. Napakaliit na nga ng kanilang bilang, tanging Capas, Tarlac pa lamang ang binigyan ng gubyerno ng tulong ayon sa huling ulat ng ahensya noong Mayo 11.

Sa pamamahagi ng tulong ng mga progresibong organisasyon, ibinahagi ng mga magsasaka ng Bulacan ang paghihirap na kanilang kinahaharap dulot ng mainit na panahon. Anila, ang kawalan ng akses sa maayos at sapat na pasilidad sa irigasyon ang nagpatindi sa epektong dinaranas nila ngayong El Niño. Sa isang barangay pa umano sa Calumpit, bukod sa tagtuyot ay naperwisyo sila ng pagpasok ng tubig-alat sa kanilang taniman na sumira sa kanilang ani.

Inilarawan ni Ka Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP, ang kanilang aktibidad sa mga komunidad bilang “pagdadamayan ng mga magsasaka.” Ang mga nalikom na suporta at tulong ay mula mismo sa kolektibong pagsusumikap ng mga samahang magbubukid at alyado nila para makaagapay sa higit na nangangailangan ngayon.

Samantala, mayroon ding nalikom na tulong ang mga grupo para sa mga magsasaka at apektadong sektor sa Occidental Mindoro. Katuwang nila sa ilulunsad na aktibidad ang Southern Tagalog Serve The People Volunteer Corps.

Dagdag pangamba naman ngayon sa mga magsasaka at masang anakpawis ang posibilidad ng penomenong La Niña, na inaasahan ding maghahatid ng mas malaking perwisyo.

AB: Pamamahagi ng tulong sa mga magsasakang apektado ng tagtuyot, isinagawa sa Bulacan