Pambabanta ng hepe ng pulis sa mga magpuprotesta sa SONA ni Marcos Jr, binatikos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang mga pahayag at pagbabanta ni Gen. Rommel Francisco Marbil, hepe ng Philippine National Police (PNP), laban sa mga magrarali sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr sa darating na Hulyo 22. “Mayroong karapatang magprotesta ang taumbayan sa harap ng lumulubhang krisis sa ilalim ng rehimeng ito,” pahayag ni Renato Reyes Jr, pangulo ng Bayan.

Nagbabala si Gen. Marbil na hindi dapat “maabala ang publiko” sa mga rali na isasagawa sa darating na SONA. Nagpatutsada si Reyes sa pahayag na ito ni Gen. Marbil. Aniya, “ang pinakamalaking abala at pahirap sa SONA ay ang kawalang kakayahan ng rehimen, hindi ang mga magpuprotesta.”

Sa anunsyo ng PNP, magpapakat ito ng 22,000 pulis para “tiyakin” ang SONA ni Marcos Jr. Paimbabaw pang ipinahayag ni Gen. Marbil na oobserbahan ang mga tauhan nila ng “maximum tolerance” laban sa mga magrarali, taliwas sa ginawa nila sa nagdaang dalawang SONA ni Marcos Jr.

Noong 2022, nagpakat ang PNP ng 21,000 mga pulis sa Quezon City para sa unang SONA. Walang batayang ipinagbawal ng mga ito ang pagrarali sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at nagbanta pang aarestuhin ang sinumang lalabag sa pagbabawal. Binigyan lamang ng limitadong permiso ng lokal na gubyerno ng Quezon City ang rali matapos igiit ng mga organisasyon ang kanilang karapatan sa mapayapang pagtitipon.

Sa araw na iyon, inaresto at ikinulong ng mga pulis ang magkapatid na kabataang Lumad na Ismael at Mawing Pangadas na lumahok sa protesta sa Davao City. Nakalaya sila noong Mayo 2023, matapos ang 10 buwan pagkakulong.

Samantala noong 2023, sinampahan ng kaso ng mga pulis mula sa Quezon City ang mga kasapi ng Bayan at Bayan-Southern Tagalog dahil sa paglahok sa rali sa ikalawang SONA.

Isinampa noon kay Max Santiago at sa tatlo pang kasapi ng Bayan ang kasong paglabag sa Clean Air Act (Republic Act No. 8749) nang magsunog ng effigy. Samantala, 12 aktibista mula Southern Tagalog ang kinasuhan ng paglabag sa Public Assembly Act of 1985 (Batas Pambansa Blg. 880). Ibinasura ang mga kasong ito sa kawalan ng sapat na batayan.

Sa harap nito, determinado ang Bayan at iba’t ibang mga organisasyong masa na magmartsa at magprotesta sa ikatlong SONA ni Marcos Jr. Muli nilang itatampok sa tinaguriang SONA ng bayan ang tunay na kalagayan ng sambayanan kabilang ang kawalan ng sapat na sahod, disenteng trabaho at maayos sa serbisyong panlipunan. Itatampok nila ang temang “Sa Bagong Pilipinas, Pilipino Lalong Naghihirap!” sa naturang malawakang protesta sa Hulyo 22.

AB: Pambabanta ng hepe ng pulis sa mga magpuprotesta sa SONA ni Marcos Jr, binatikos