Balita

Pambobomba mula sa ere sa Miag-ao, mariing kinundena ng PKP at BHB

,

Mariing kinundena ng Partidko Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang pagmasaker ng militar sa isang yunit ng BHB sa Sityo Burak, Barangay Alimodias, bayan ng Miag-ao, Iloilo noong Disyembre 1. Dapat “kundenahin ang sobra-sobrang, walang patumanggang paggamit ng lakas at paghasik ng teror” sa mamamayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sabi ng Coronacion “Waling-Waling” Chiva Command ng Regional Operational Command (ROC-Panay) ng BHB.

“Labag ang pambobomba sa internasyunal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, partikular sa batayang prinsipyo ng pagtatangi sa pagitan ng mga kombatant at sibilyan at ang pangangalaga sa buhay ng mga sibilyan,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng PKP.

Ang paggamit ng malalakas na bomba ay “likas na indiscriminate” o walang pinipili, nagsasapanganib sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyan at nagdudulot na malawak na pagkawasak sa kapaligiran. “Lagpas sa ground zero ang epekto ng pambobomba ng AFP mula sa ere. Sa Miag-oa, winasak nito ang kapayapaan, nagdulot ng malawak na takot, panic at troma sa mga residente sa kalapit na mga komunidad at sinunog ang ang kabundukan ng Almodias na pinagkukunan nila ng pagkain at kabuhayan,” ayon kay Valbuena.

“Dagdag dito, ipinaiilalim sa kontrol ng militar ang kalapit na mga sibilyang komunidad, kung saan tinatakot at pinagbabantaan ang mga residente, at hinihigpitan ang kanilang kilos na dagdag pang nagpapahirap sa kanila,” dagdag niya.

Ganito rin ang pahayag ng ROC ng BHB-Panay. “Hindi rasonable, walang katuturan at paglabag sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin ng digma ang pambobomba at panganganyon ng AFP sa isang maliit na yunit ng BHB.

Milyong pondo ng mamamayan ang winaldas ng AFP para atakehin ang yunit ng BHB na nagbibigay serbisyo sa mamamayang apektado ng gutom at pandemya. Ang pambobomba ay lumikha ng malaking kapinsalaan sa kabuhayan at katahimikan ng mamamayan at sa kapaligiran.”

Ayon sa kwento ng mga sibilyan, naghulog ng apat na 500-librang bomba ang dalawang FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force bandang alas-5 ng umaga noong Disyembre 1 sa Sityo Burak, Alimodias. Walong beses ding kinanyon ng 105mm howitzer ang pansamantalang kinakampuhan ng yunit ng BHB. Winasak ng mga bomba ang lahat na saklaw ng mahigit 100 metro at mas malayo pa ang inabot ng mga shrapnel nito. Sa impak ng mga bomba, lumikha ito ng mga hukay na ang isa ay may lalim na 15 piye at 20 piye ang lapad.

Binatikos ng ROC-Panay ang bulaang kwento ng AFP na bago umano ang pambobomba ay may naganap nang labanan sa pagitan ng BHB at mga tropa ng 61st IB at 33rd Division Reconnaissance Company ng 301st IBde ng Philippine Army. Saksi ang taumbaryo ng Alimodias na walang nangyaring engkwentro sa nasabing lugar.

Malaking kasinungalingan din ang deklarasyon ni MGen. Benedict Arevalo, kumander ng 3rd IDPA, na mayroong konsentrasyon ng 70 Pulang mandirigma sa lugar upang maglunsad ng mga pang-aatake. Sa totoo, isang maliit na yunit ng BHB lamang ang nanduon dahil kinikilusan nito ang Alimodias.

Hindi rin totoo ang upisyal na kwento ng militar na puno umano ng mga landmine ang erya kaya binomba nila ito. “Pangangatwiran ito ng militar upang itago sa mga sibilyan ang kanilang brutalidad,” dagdag pa ng ROC-Panay.

Sa siyam na natagpuang mga bangkay, walo pa lamang ang nakilala. Nahirapang makilala ang pang-siyam na bangkay dahil sa “hindi mailarawang kalagayan” ng pagkahiwahiwalay ng katawan. Ayon sa ROC-Panay, kung kumpirmadong mga kasapi ng BHB ang mga biktima, sila ay aangkinin, bibigyan sila ng parangal at paabutan ng pakikidalamhati at suporta ang kanilang mga kamag-anak.

Binatikos ng BHB ang AFP sa malalang paglabag sa mga batas ng digma at internasyunal na makataong batas partikular sa mga prubisyon ng paggamit ng di-makatarungan at sobra-sobrang lakas sa mga kalaban nito, kabilang na ang karapatan ng mga wala sa katayuang lumaban (hors de combat), at paglagay sa peligro sa mga sibilyang nasa erya. “Ang pambobomba at panganganyon ng AFP laban sa maliit na mga yunit ng BHB ay paglabag sa internasyunal na batas… Sobra-sobra, hindi kailangan, at hindi rasonable ang paggamit ng mga armas na ito laban sa mga mandirigmang nasasandatahan lamang ng mga riple at mga medik.”

“Samantalang parang mga asong-ulol na binabatikos ang naaayon sa batas na paggamit ng BHB ng mga command-detonated explosives, ipinagmamayabang ng AFP ang ilang daang kilong mga bomba na may pamalagian at mapangwasak na pinsala sa kalupaan at sakahan ng mamamayan.”

“Ang pambobomba sa Miag-on ay isang krimen sa digma,” ayon kay Valbuena, “tulad ng mga pambobomba mula sa ere sa Bukidnon, Agusan del Norte, Northern Samar, Cagayan Valley, Mindoro, Quezon at iba pang prubinsya.” Dapat papanagutin si Rodrigo Duterte at kanyang mga heneral sa krimen ng sadyang pagsasapanganib sa mga sibilyan at sampahan sila ng mga kaso sa hukumang bayan at mga internasyunal na korte, aniya.

Kaugnay sa nangyaring pambobomba, tinuran ni Vice President Leni Robredo na hindi malulutas ang problema sa insurhensya sa “pamamagitan lamang ng solusyong militar”. Ito ang kanyang sagot sa mga tanong ng midya nang dumalaw siya sa Iloilo City noong Disyembre 3.

Dapat ding lutasin ang ugat ng deka-dekada nang armadong pakikibaka. Hindi malulutas ang insurhensya hanggang “nagpapatuloy ang hindi pagkapantay-pantay at inhustisya” bunsod ng “kakulangan sa lupa at ng karalitaan,” sabi pa ni Robredo. #

AB: Pambobomba mula sa ere sa Miag-ao, mariing kinundena ng PKP at BHB