Balita

Pambobomba ng US sa 64 sibilyan sa Syria, ibinunyag

,

Ibinunyag sa isang ulat ng pahayagang New York Times noong Nobyembre 14 ang sadyang pagtatago ng militar ng US sa pagpatay nito sa puu-puong sibilyan sa isinagawa nitong pambobomba sa Syria. Inilarawan ang pambobomba na “krimen sa gera” kahit ng mga upisyal militar.

Sa partikular, tinukoy ng pahayagan ang insidente noong 2019 kung saan di bababa sa 60 sibilyan ang napuksa sa dalawang malaking bomba inihulog ng US. Karamihan sa nasawi ay kababaihan at mga bata sa isang tinukoy na “kampo” ng Islamic State of Syria o ISIS. Naganap ang pambobomba sa isang sukol na lugar sa huling mga araw ng “opensiba” ng US laban sa grupo.

Ayon sa mga upisyal militar na nakapanayam ng pahayagan, binomba ng mga eroplanong pandigma ng US ang Baghuz noong Marso 18, 2019. Sa lugar na ito diumano umaatras ang nalalabing pwersa ng ISIS at kanilang mga pamilya matapos pulbusin ng US ang mga syudad na dating hawak ng grupo. Para pwersahing “sumurender” ang mga sibilyan, pinutol ng US ang suplay ng pagkain at ayuda sa lugar.

Sa huling mga araw, kulang sa 75 katao ang tinatayang nanatili sa “kampo.” Sa kabila nito, ang pambobomba ay iniutos na isagawa ng task force ng mga special forces ng US na sekretong nag-ooperasyon sa Syria. Responsable ito sa maraming desisyon kung saan at kailan isinasagawa ang mga pambobomba ng US sa Syria.

Unang nagbagsak ng 500-librang bomba ang isang fighter jet ng US. Tinamaan nito ang isang tent. Matapos ang limang minuto, sinundan ito ng isang 2000-librang bomba na pumatay sa lahat ng nagtatakbuhan sa lugar. Sa Facebook ay naka-post ang mga larawang sinasabing kuha sa lugar. Makikita sa mga letrato ang tupok na mga katawan ng mga tinamaan at hile-hilerang bangkay ng mga bata at babae.

Sa kabila ng naghuhumiyaw na mga ebidensya, itinanggi ng militar ng US na naganap ang insidente at pinalusot ang pambobomba bilang “pagtatanggol-sa-sarili” ng mga tropang US na nasa pangkalahatang erya. Mulign naungkat ang insidente matapos mapilitan ang US na amining pinatay ng kanilang bomba ang 10 sibilyan sa Kabul, Afghanistan noong Agosto.

Sa kabuuan, nagsagawa ng 1,000 air strike ang US sa Syria at Iraq noong 2019, gamit ang 4,729 bomba at misayl. Halos lahat ito’y ginamit para durugin ang mga sibilyang pasilidad na kunwa’y pinagtataguan ng mga mandirigma ng ISIS. Noong taong iyon, 22 lamang ang inamin na sibilyang nadamay, ayon sa upisyal na ulat ng US. Hindi kasama sa mga ulat na ito ang insidente sa Baghuz.

Hanggang ngayon, wala pang napapanagot sa mga krimen ng mga bomba ng US na nagwasak sa buu-buong syudad at pumatay sa puu-puong sibilyan.

AB: Pambobomba ng US sa 64 sibilyan sa Syria, ibinunyag