Pambobomba, pagbabawal magsaka, utos ng 803rd Brigade sa Northern Samar
Tatlong buwan nang nagdurusa ang mga magsasaka ng Northern Samar sa ipinatutupad na patakaran ng 803rd Infantry Brigade na nagbabawal sa mga magbubukid na magsaka sa kanilang lupa. Ang utos ay inilabas ng kumander ng 803rd IBde na si Brig. Gen. Lowell Tan.
Ipinataw ang patakarang ito partikular sa mga residente ng Barangay E. Duran, Bobon, Northern Samar. Kaugnay nito, iniulat ng mga residente na noong Setyembre 17 ay tatlong beses na naghulog ng bomba sa erya at sinundan ng 30 minutong istraping.
Katwiran ng AFP, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng isang yunit ng BHB sa lugar at mga nagpapatrulyang tropa ng 803rd IBde noong Setyembre 16 kung saan isa diumanong Pulang mandirigma ang nasawi. Ang pambobomba ay bahagi ng kanilang “clearing operations,” ayon sa AFP.
Nagdulot ng matinding troma sa mga residente ang isinagawang pambobomba at pagraratrat ng AFP. Dahil dito, napilitan ang may 2,000 residente na pansamantalang magbakwit sa sentro ng Bobon.
Bago nito, nagkaroon rin ng pambobomba sa Barangay San Francisco, Las Navas, Northern Samar noong Setyembre 16. Noong nakaraang buwan ay naghulog rin ng bomba sa Dolores, Eastern Samar.