Panagutin ang DepEd at DBM sa anomalya sa laptop, sigaw ng mga guro

Nagpiket ang mga gurong kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa harapan ng pambansang upisina ng Department of Budget and Management sa Manila kahapon, Agosto 11. Sinisingil nila at pinapapanagot ang Department of Education at DBM sa anomalya sa ₱2.4 bilyong pondo ng ahensya.

Ginastos ang ₱2.4 bilyong pondo para sa pagbili ng mga laptop para sa mga guro ng pampublikong paaralan para umagapay sa distance learning sa nagdaang dalawang taon. Imbes na pagkalooban ng laptop ang target na 68,500 na mga guro, tanging 39,583 lamang ang nabili sa presyong ₱58,300 kada laptop.

Liban dito, napakahinang klase ng laptop ang ibinigay sa mga guro na tinatayang nasa presyong ₱22,000 hanggang ₱25,000 lamang kada isa.

Mas malala, napag-alaman na 866 laptop at 12,482 tablet na nagkakahalaga ng halos P93 milyon ay hindi ipinamahagi sa mga titser at nakatengga lamang sa upisina ng Department of Information and Communication Technology.

“Dapat magsalita na ang PS-DBM kaugnay ng anomalya sa pagbili ng sobra-sobrang mahal at mahinang klase mga laptop,” ayon kay Ruby Anna Bernardo, tagapagsalita ng ACT Philippines. “Wala kaming maisip na kahit anong posibleng pangangatwiran sa anomalyang ito,” dagdag niya.

Ayon sa galit na mga guro, naroroon sila para ipabatid ang kanilang pagkadismaya sa gubyerno sa pagpasok sa kontratang ito habang silang mga guro ay nahihirapan araw-araw para lang mabayaran ang inutang nilang mga laptop.

“Itong DBM, notorious ito sa pagiging kuripot sa usapin ng sweldo at benepisyo ng mga guro, pero mukhang galante yata sila kapag may kickback na sa usapan,” ayon pa kay Bernardo.

Kinastigo rin ng mga nagprotesta ang dating kalihim ng DepEd na si Leonor Briones matapos nitong tumangging akuin ang responsibilidad sa anomalya.

Samantala, hindi naman ikinatuwa ng mga guro ang naging pahayag ng DepEd na isasagawa umano ng ahensya ang pagpapaayos sa mga laptop at igigiit umanong palitan ang mga ito. Sabi pa nila na hindi lang ito usapin ng mabagal na laptop kundi ang paglustay ng ₱58,000 kada isa nito at kung paano itong nangyari at pinahintulutan ng gubyerno.

Dagdag pa ni Bernardo na bukod sa anomalyang ito, hindi rin maiaalis ang katotohanang ilandaang libong guro ang walang natanggap na laptop mula sa gubyerno.

Pagtatapos niyang tanong: “ano ang plano ng gubyerno para mabigyan ang lahat ng mga guro ng kinakailangan nilang kagamitan sa pagtuturo?”

AB: Panagutin ang DepEd at DBM sa anomalya sa laptop, sigaw ng mga guro