Balita

Pandaigdigang Araw ng Karapatang-tao: Panagutin ang rehimeng US-Marcos!

,

Malinaw ang sigaw ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at demokratikong organisasyon noong Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang-tao, na panagutin ang naghaharing rehimeng Marcos at mga Duterte sa malalang paglabag sa karapatang-tao. Pinamunuan ng Karapatan at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang libu-libong Pilipinong nagprotesta sa 11 sentro ng pagkilos sa bansa para singilin ang reaksyunaryong gubyerno sa higit 1.6 milyong biktima nito ng paglabag sa karapatang-tao mula nang maupo si Marcos sa poder noong nagdaang taon.

Pinakasentro ng pagkilos ang martsa mula sa Liwasang Bonifacio tungong Mendiola Bridge sa Maynila. Anang Karapatan: “Sa ika-75 anibersaryo ng Pandaigdigang Deklarasyon sa Karapatang Pantao, patuloy na kinakaharap ng mga aping mamamayan ang imperyalistang gera at pampulitikang panunupil.”

Ipinanawagan nila ang pagwawakas at pagbibigay ng hustisya sa patung-patong na paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos. Kabilang dito ang mga kaso ng pagpaslang, sapilitang pagkawala, tortyur, iligal na pag-aresto at detensyon, pekeng pagpapasuko, pambobomba, pagbabanta kabilang ang Red-tagging, at iba pang paglabag sa karapatang-tao at pandaigdigang makataong batas.

Nagmartsa rin ang mga grupo para igiit ang pagpapalaya sa nakakulong na mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at sa lahat ng mga bilanggong pulitikal. Mayroong aabot sa 800 bilanggong pulitikal sa bansa at dalawa sa mga ito ay namatay sa sakit habang nakapiit sa panahon ng rehimeng US-Marcos.

Liban dito, kinundena ng mga grupo ang papel ng US sa mapanalasang kontra-insurhensyang patakaran ng gubyerno ng Pilipinas na itinuturing nitong bahagi ng panghihimasok sa bansa at sa Asia-Pacific. Inihayag din nila sa protesta ang pakikiisa sa mamamayang Palestino na patuloy na humaharap sa kampanyang henosidyo at paglabag ng US-Israel sa kanilang mga karapatan.

Dumalo sa protesta sa Mendiola ang delegasyon ng mga aktibista at demokratikong organisasyon mula Southern Tagalog. Naglunsad rin ng lokal na pagkilos ang mga organiasyon mula sa National Capital Region sa Taft Avenue bago lumahok sa martsa tungong Mendiola.

Naglunsad din ng mga pagkilos at aktibidad sa Baguio City, Legazpi City, Naga City, Bacolod City, Cebu City, Iloilo City, Roxas City, Davao City at Kalibo sa Aklan.

AB: Pandaigdigang Araw ng Karapatang-tao: Panagutin ang rehimeng US-Marcos!