Panghihimasok sa kasong diskwalipikasyon ni Marcos Jr, ibinunyag
Ibinunyag ni Commissioner Rowena Guanzon ng Commission on Elections (Comelec) ang kanyang boto na nagdidiskwalipika sa kandidatura sa pagkapangulo ni Ferdinand Marcos Jr. Ayon kay Guanzon, napilitan siyang isapubliko ang kanyang boto dahil sa sobrang pagkaantala sa pagpapalabas ng desisyon.
Ang kanyang paghahayag ng kanyang boto ay ginawa kahapon sa isang pangunahing pahayagan at sa eksklusibong interbyu ng isang istasyon ng radyo. May hinala siyang may mga pulitikong maka-Marcos na gustong makisawsaw sa kasong diskwalipikasyon laban kay Ferdinand Marcos Jr.
Tumatakbo si Marcos Jr. sa pusisyong pagkapangulo sa eleksyong 2022. Katambal niya bilang bise-presidente ang anak ni Rodrigo Duterte na meyor ng Davao City na si Sara Duterte-Carpio.
Ayon kay Guanzon, hindi pwedeng tumakbo si Marcos Jr. sa anumang pusisyon sa halalan dahil napatunayan siya ng hukuman na nagkasala. Napatunayan siya ng isang Regional Trial Court sa Quezon City na hindi nagbayad ng kanyang buwis sa loob ng apat na taon (mula 1982 hanggang 1985) kung saan siya noon ang bise gubernador at bandang huli ay naging gubernador ng Ilocos Norte.
Bahagi si Commissioner Guanzon ng tatlo-kataong First Division ng Comelec na inatasang desisyunan ang kasong diskwalipikasyon laban kay Marcos Jr. na isinampa ni Bonifacio Ilagan ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) at ng dalawang pang grupo. Ang dalawang iba pang kasapi ng First Division ay sina Marlon Casquejo at Aimee Ferolino.
Napagkasunduan nila na ikonsolida sa iisang kaso ang tatlong magkahiwalay na kaso laban kay Marcos Jr. noong Enero 10. Inaasahang pagkatapos ng pitong araw ay magpapalabas na ang First Division ng kanilang pinagsanib na desisyon. Napili si Ferolino na maging ponente o tagasulat ng desisyon.
Ngunit lumipas ang pitong araw ay wala pa ring inilabas na desisyon ang First Division. Ayon kay Guanzon, walang komunikasyon mula kay Ferolino. Tinatawagan nila ni Casquejo si Ferolino pero hindi sila sinasagot. “Hindi naman siya nagkasakit ng Covid-19,” dagdag pa ni Guanzon.
Nagsususpetsa si Guanzon na may mga pulitikong maka-Marcos na gustong impluwensyahan ang desisyon ng kaso ni Marcos Jr. Malaking posibilidad ito dahil alam na nila ang tindig ni Guanzon sa nasabing kaso.
Normal na kalakaran na hindi ibinabahagi sa publiko ang pusisyon ng bawat kasapi ng Comelec sa mga kasong kanilang tinatalakay. Ngunit dahil sa labis na pagkaantala na walang namang balidong rason, hindi na napigilan ni Guanzon na ibunyag ang kanyang pusisyon sa naturang kaso.
Nahatulan si Marcos Jr. na mabilanggo ng apat na taon at inutusan ng korte na magbayad. Inaakyat niya ang kanyang kaso sa Court of Appeals (CA) at napabaligtad ang hatol na mabilanggo siya. Gayunman, pinagbabayad pa rin siya ng CA sa kanyang penalidad. Hindi siya nagbayad hanggang sa ngayon.