Paninira ng militar sa kagubatan, ipinatitigil ng mga grupong makakalikasan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling nananawagan ang Environmental Defenders Congress, isang network ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, sa Armed Forces of the Philippines na itigil na ang pambobomba at airstrikes sa mga protektadong kagubatan noong Hunyo 22, Pandaigdigang Araw ng Kagubatan (World Rainforest Day).

Nanganganib ang mga kagubatan ng Pilipinas dahil sa agresyong militar ng AFP sa mga operasyong kontra-insurhensya nito, ayon sa grupo. “Ang kagubatan ay di lamang landscape, kundi sangtwaryo ng halos 100 endemic species (o mga hayop na dito lamang matatagpuan),” ayon kay Jonila Castro, advocacy officer ng Kalikasan People’s Network for Environment. Nakapagtala ang Kalikasan ng 17 kaso ng pambobomba na nagsapanganib sa 11 maseselang lugar, kabilang ang walong key biodiversity area (KBE).

Kabilang sa mga KBA na binomba ng militar ang Balbalasang-Balbalan National Park sa Kalinga; mga lugar na malapit sa Northeastern Cagayan Protected Landscape and Seascape sa Cagayan; Dinadiawan River Protected Landscape sa Aurora; mga bundok ng Iglit-Baco National Park at ang Mindoro Biodiversity Corridor sa isla ng Mindoro; Mobo-Uson na kandidatong Key Biodiversity Area sa Masbate; Ilog-Hilabangan Watershed Forest Reserve sa Negros Occidental; Ban-Ban Forest Key Biodiversity Area sa Negros Oriental; Iloilo Strait marine KBA; sa Mount Kitanglad Range sa Bukidnon at Mt. Hilong-Hilong sa Agusan del Norte.

Mayorya sa mga lugar na ito ay mga protektado ring marine area, at nagtataglay ng malalawak na ekosistemang rainforest. Ang mga kagubatang ito ay nagtataglay ng 80% ng ligaw na halaman at mga hayop na marami ay likas sa Pilipinas. Susi ang mga ito sa pandaigdigang biodiversity, at pagbabawas sa masasamang epekto ng climate change.

Kinundena ng mga makakalikasang aktibista ang paggamit ng AFP ng mga aerial strike, isang militaristang pagharap sa panlipunang krisis at aktibismo.

“Ang pambobomba at aerial strike ay nagdudulot ng matagalang pagkasira ng kalikasan, at nagsasapanganib sa buhay ng hayop sa kagubatan, gayundin ng mga komunidad ng mga katutubo na nakaasa sa mga ekosistemang ito,” anila.

AB: Paninira ng militar sa kagubatan, ipinatitigil ng mga grupong makakalikasan