Papanagutin ang Apex Mining sa pagguho ng lupa sa Maco
Pinananagot ng mga grupong Lumad at kanilang mga tagasuporta ang Apex Mining Corporation sa nangyaring pagguho ng lupa sa Masara, Maco sa Davao de Oro noong Pebrero 7. Di bababa sa 100 ang tinatayang natabunan ng lupa, karamihan mga minero na nasa loob ng mga bus na nakaparada sa gitna ng komunidad.
Sa huling ulat, 15 na ang nahukay na patay, 32 ang sugatan, at 89 ang itinuturing na nawawala. Isang bata ang nahukay na buhay, dalawang araw matapos matabunan ng lupa ang tinitirhan niyang bahay. Ang Apex Mining ay pag-aari ng kumprador na si Enrique Razon Jr, isa sa pinakamalaking kroni ng magkasunod na rehimeng Duterte at Marcos.
“(L)agi kami pinagsasabihan ng aming mga apuhan (ninuno) noon na huwag kaming maghukay sa lupa kung wala kaming itatanim dahil darating ang panahon na lalamunin kami ng lupa (kapag ganun ang aming ginawa),” ito ang pahayag ni Rep. Eufemia Cullamat, dating kinatawan ng Bayan Muna sa Kongreso.
Aniya, napakasagrado ng lupa sa nga Lumad, kung kaya napakasigasig nila itong ipinagtatanggol, mula pa sa kanilang mga ninuno hanggang ngayon.
“Hindi pwedeng tahimik lang at itago ng Apex Mining ang pananagutan niya sa buhay ng mga residenteng biktima ng pagmimina. Kailangang managot ang kumpanya sa lahat ng pinsalang nito sa nawasak na buhay at kabuhayan. Kailangang lumayas sila diyan para matigil agad ang pagkawasak ng lupang ninuno,” aniya.
“Dapat managot ang Apex Mining. Dapat ipatigil ang kanilang mga operasyon,” giit niya.
Dapat ring papanagutin ang mga tiwaling upisyal ng gubyerno, lokal at nasyunal, na kasabwat sa patuloy na pagkasira ng kalikasan at pandarambong sa likas na yaman ng mga Lumad.
Samantala, siningil ng Kilusang Mayo Uno ang Apex sa 24-oras na pagpapatakbo ng mga mina at pagsasapeligro ng buhay ng mga manggagawang minero sa gitna ng mga pag-ulan sa rehiyon ng Davao na nagdulot na ng pagbaha at landslide sa kalapit na mga lugar.
“Kailangang tanungin: paano pinangangalagaan ng kumpanya ang manggagawa papasok, habang at pauwi mula sa trabaho?” pahayag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Aniya, mahaba na ang rekord ng mga kaparehong insidente pero walang napapanagot, laging dehado ang ating mga kababayang manggagawa sa minahan, at mga mamamayan sa komunidad.”
Dalawang beses nang isinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources ang operasyong open-pit mining ng Apex dahil sa pinsalang idinulot nito sa kapaligiran.
Nanawagan naman ng hustisya para sa mga biktima ang grupong Gabriela.
“Biktima ng mapangwasak na malawakang pagmimina sa rehiyon ang mga manggagawa at residenteng namatay, sugatan at nawawala dahil sa naganap na landslide,” pahayag ng grupo.
“Ang giit ng mamamamayan ng Maco ay hustisya. Matatamo lamang ito kung ititigil ng gubyenro ang mapangwasak na pagmimina sa bansa at papanagutin ang malalaking kumpanya sa pagmimina,” anito.