Paparaming bansa ang sumasali sa kasong henosidyo laban sa Israel

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inianunsyo ng Egypt noong Mayo 12 na pormal itong sasali sa kasong henosidyo na isinampa ng South Africa laban sa Zionistang Israel sa International Court of Justice (ICJ). Inihabla ng South Africa ang Israel noong Enero dulot ng mga paglabag sa mga pananagutan nito sa ilalim Genocide Convention sa malawakang pambobomba at panggegera nito sa Gaza. Noon ding Enero, kinilala ng ICJ na “mayroong risgo ng henosidyo sa engklabo” at inutusan ang Israel na gumawa ng “serye ng mga probisyunal na hakbang, kabilang ang pagpigil sa mga akto ng henosidyo.”

Ang pagsali ng Egypt sa nakasampa nang kaso ay itinulak ng “lalong sumasahol at papalawak na mga atake ng Israeli laban sa mga sibilyang Palestino sa Gaza Strip, at pagpapatuloy ng sistematikong gawi laban sa mamamayang Palestino, kabilang ang tahasang pagtarget sa mga sibilyan at pagwasak sa imprastraktura sa (Gaza) Strip, at pagtulak sa mga Palestino na lisanin (ito),” ayon sa upisyal sa ugnayang panlabas ng Egypt. Tahasan nitong hinamon ang kawalang pakundangan ng Israel at pinanagot ito sa mga paglabag sa internasyunal na makataong batas at karapatang-tao laban sa mga Palestino. Ang hakbang na ito ng Egypt ay malugod na tinanggap ng Hamas na syang namamahala sa Gaza.

Tinawag ng mga eksperto na “unprecedented” o hindi pa nangyayari sa kasaysayan ang pormal na pagsali ng Egypt sa asunto dahil sa relasyong diplomatiko sa pagitan ng dalawang bansa. Ang Egypt ang unang bansang Arabo na nakipagkasundo sa Israel noong 1979.

Ang pagsali ng Egypt ay lalong nagpabigat sa kasong henosidyo laban sa Israel. Bago ito, pormal ding naghapag ng pagsali sa kaso ang Colombia, Libya, Bolivia, Nicaragua at Turkey. Gumagawa na ng mga hakbang ang Ireland at Belgium sa kani-kanilang mga bansa para pormal ding sumali sa pagpapanagot sa Israel. Nagpahayag naman ng suporta sa kaso ang Jordan at Arab League.

Sa isang hiwalay na aplikasyon, kinasuhan ng Nicaragua sa ICJ ang Germany sa pagsuporta nito sa henosidyo ng Israel. Ang Germany at US ang tanging mga bansang sumusuporta sa Israel sa korte.

AB: Paparaming bansa ang sumasali sa kasong henosidyo laban sa Israel