Pasalubong ni Marcos mula sa US: Mas mahigpit ng ugnayang neokolonyal

, ,

Kabi-kabila ang mga pangakong “pakikipagtulungan” at pamumuhunan ang inuwi ni Ferdinand Marcos Jr mula sa kanyang pangalawang byahe sa US. Buong ipinagmamalaki niya ang mga nalimos niyang luma at bagong “bentahe, “mula sa mga armas at gamit pandigma, pagbabahagianan ng inteledyens, kapital at pamumuhunan, puhunan sa edukasyon hanggang sa programa sa pangangalaga ng hayop (veterinary). Nakatuon ang mga ito sa pagpapahigpit sa ugnayang neokolonyal ng estado at armadong hukbo ng Pilipinas sa US sa harap ng papalaking banta ng China sa Asia-Pacific.

Dagdag sa pagiging “guest of honor” sa White House, itinuring ding guest of honor si Marcos sa Pentagon, ang puso ng military-industrial complex ng US. Liban sa kanya, umikot din ang mga kongresistang Pilipino, sa pangunguna ng kanyang pinsan na si House Speaker Martin Romualdez, sa bansa.

Bilateral Defense Guidelines

Bago pa man tumapak si Marcos sa US sa pangalawang pagkakataon, naplantsa na ng mga upisyal militar ng US at Pilipinas ang Bilateral Defense Guidelines. Pilit itong inilulusot ng dalawang panig bilang “pagpapaunlad” sa Mutual Defense Treaty, isang tratadong nangangailangan ng pagsang-ayon ng mayorya ng Senado ng Pilipinas para magkabisa. Isang aytem lamang sa naturang guidelines ang “muling pagpapatibay” ng tratado. Ang tatlo pang “layunin” na inilatag nito ay malinaw na nakatuon sa pakikipaggirian nito sa China, at pagtitiyak na kontrol ng US military sa mga operasyon ng Armed Forces of the Philippines.

Tungo rito, kinubabawan ng US ang modernisasyon ng AFP sa pamamagitan ng Security Sector Assistance Roadmap, na magtatakda kung anu-anong armas ang itatambak nito sa Pilipinas. Kasabay nito, tiniyak ng US ang kita ng mga kumpanyang militar na Amerikano sa pamamagitan ng “pagprayoritisa” na bumili lamang ang Pilipinas ng mga gawang-US na gamit-militar.

Liban sa modernisasyon, saklaw ng guidelines ang pagpapalakas ng kontrol at kumand ng US sa Pacific sa operasyon ng AFP sa tabing ng “interoperability,” higit pang pagkubabaw ng US sa paniniktik ng Pilipinas sa ngalan ng “information sharing,” cyber defense at paghihigpit sa ugnayan sa iba pang kaalyado ng US sa rehiyon sa ngalan ng “multilateral cooperation.” Nakalista rin sa naturang guidelies ang “pagsustine” sa pagpapalakas ng kapasidad ng US at AFP laban sa “terorismo,” ang manipis na tabing para sa kontra-mamamayang kampanyang kontra-insurhensya na nagbubunsod ng laganap na paglabag sa karapatang-tao at malalalang paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Bilang suhol, inanunsyo ng US ang “paglilipat” ng di bababa anim na sasakyang pandagat at dalawang eroplanong C-130H, lahat pinaglumaan ng US Armed Forces, sa AFP sa ngalan ng “modernisasyon.” Ang mga sasakayang-dagat ay bahagi ng $7.5 milyong ayuda na ipinangako ni US Vice President Kamala Harris para “palakasin ang kapasidad” ng Pilipinas para sa pakikipaggirian nito sa mga barkong Chinese. Inaprubahan din ng US ang pagbenta ng alyado nitong Israel ng dagdag na dalawang sasakyang-dagat.

Pondo para sa pagkubabaw at pandarambong

Kasabay ng bagong alituntunin sa depensa, nangako ang US ng $135 milyong “ayuda” (₱6.75 bilyon) para sa susunod na 10 taon. Kapag inawtorisa ng Kongreso ng US, idadaan ang pondo sa USAID. Hahatiin ito sa walong larangan ng pamumuhunan.

Pinakamalaki ($35 milyon) ang ieembudo sa pagtatayo ng isang “open radio access network” (O-RAN) na kukubabaw sa sistemang telekomunikasyon ng Pilipinas sa tabing ng pagmamantine ng isang “bukas, interoperable, reliable at secure” na internet. Isa ang sektor ng telekomunikasyon, partikular ang merkadong 5G, sa target pasukin ng mga Amerikanong kumpanya. Ang O-RAN ay bahagi ng militaristang Indo-Pacific Strategy ng administrasyong Biden.

Malaking bahagi ng pakete ng USAID ($30 milyon) ay igugugol para “suportahan” ang mga unibersidad sa Pilipinas, kabilang sa larangan ng “pagapapaunlad” ng kurikulum, mga guro, pananaliksik at “community engagement.”

Maglalagak rin ang US sa mga proyektong imprastruktura, pagmimina (nickel), enerhiyang nukleyar, sistema ng patubig, kalusugan at tulong sa panahon ng sakuna.

Dagdag sa $30 milyong pondo ng USAID, maglalaan ng hiwalay na $70 milyon ang US para direktang sanayin ang kabataang lider at intelektwal ng Pilipino sa anyo ng mga iskolarship, student exchange at iba pang programa. Palalawakin nito ang programang Fulbright, Philippine Youth Leadership at iba pang programang pang-edukasyon kasabwat ang Commission on Higher Education. Ipinagmalaki ito ng US bilang isa sa “pinakamalaking” komitment sa isang mamamayan sa buong mundo.

Liban dito, itatayo rin ng US ang Philippines-US Friendship Fellowship para pag-aralin ang batang estudyante at prupesyunal sa US.

Inanunsyo ng rehimen na nakakuha ito ng “pangako” na puhunan na nagkakahalaga ng $1.3 bilyon. Isa sa dalawang binanggit nito, ang Zero Motorcycles, ay nag-anunsyo na ng pamumuhunan nito sa Pilipinas kasosyo ang grupong Ayala noong Marso. Ang isa pa ay ang NuScale Power Corporation, isang kumpanyang suportado ng gubyernong US na gumagawa ng maliliit na nuclear reactor, na wala pang tumatakbong planta sa buong daigdig.

Habang nasa US, namalimos si Marcos kay Biden para muling bigyan ng espesyal na trato ang mga eksport ng Pilipinas sa bansa. Mula 2020, wala na sa listahan ng Generalized System of Preferences (GSP) ang 5,000 produkto ng Pilipinas sa US. Ibig sabihin, may patong nang buwis ang mga ito pagpasok ng US. Hindi ito pinaunlakan ng US, katulad ng hiling ng Pilipinas ng bilateral na kasunduan sa kalakalan.

AB: Pasalubong ni Marcos mula sa US: Mas mahigpit ng ugnayang neokolonyal