Pasistang kampanyang kontra-manggagawa ng rehimeng Marcos, kinundena

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at mga panrehiyong pormasyon nito sa Southern Tagalog (PAMANTIK-KMU), KMU-Southern Mindanao at AMA SUGBO-KMU, ang nagpapatuloy at bagong mga pakana ng rehimeng Marcos para gipitin ang kilusang manggagawa sa bansa.

Sa isang press conference kahapon, Mayo 25, ibinunyag ng mga manggagawa ang opensibang kontra-manggagawa ng rehimen sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Isa sa pinakabago ang pagkakaso sa mga manggagawa ng “terrorist financing,” na isinasagawa kasabay sa panggigipit sa mga development worker.

Humarap sa press conference si Jaime Paglinawan, pinuno ng AMA SUGBO-KMU na kinasuhan ng “terrorism financing” sa isang korte sa Cebu, kasama ang 26 pang dati at kasalukuyang mga development worker ng institusyong CERNET.

“Ang impact ng mga atake na ito, hindi lang sa mga unyonista at progresibong grupo,” pahayag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU. “Kapag nadiskaril o natigil ang operations ng mga pro-worker na grupo, nasasagasaan rin at di naaaddress ang ibang karapatan ng mga manggagawa.”

Kinutya ng mga manggagawa ang mga pakitang-taong pagbubuo ng rehimeng Marcos ng isang inter-agency task force para tugunan ang mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at pagbubuo ng iba pang tipo ng asosasyon.

Mula nang itayo ang task force, lalupang lumala ang mga atake sa mga manggagawa. Isa sa malalalang kaso ay ang pagdukot at pagdesaparesido ng mga sundalo kay William Lariosa, beteranong organisador ng KMU-SMR, noong Abril.

“Mayroon din pong global na propaganda campaign itong Biden regime sa Estados Unidos na champion sila ng labor rights, pro-labor na Pangulo ng US ang kanilang pakana,” ayon kay Adonis. “Pero ang US, sa kasaysayan, sa kaniyang pananakop at mga polisiyang idinidikta niya sa mga bansa, ang numero unong violator ng workers’ rights.”

Nakapadron ang NTF-Elcac, na salot sa manggagawa, sa mga kontra-insurhensyang programa ng US, aniya.

AB: Pasistang kampanyang kontra-manggagawa ng rehimeng Marcos, kinundena