Pasistang terorismo ng AFP, bigong pigilan ang mga opensiba ng BHB-Northern Samar
Hindi napipigilan ng pasistang terorismo ng 20th Infantry Battalion, 803rd Infantry Brigade at PNP laban sa mamamayan ng Northern Samar ang sunud-sunod na mga opensiba ng Bagong Hukbong Bayan-Rodante Urtal Command (BHB-RUC) nitong Pebrero. Sa loob lang ng walong araw, walong pasistang tropa ang natamong kaswalti ng kaaway sa bayan ng Catubig.
Pebrero 16. Pinaputukan ng BHB-RUC ang mga tropa ng PNP-Special Action Force sa pagitan ng Barangay Roxas at Barangay San Jose (Hebobollao) bandang ala-1:30 ng hapon. Dalawang pasistang kaaway ang napatay at dalawa ang nasugatan, na dinala ng helikopter matapos ang opensiba. Narinig pang magsigawan sa takot ang apat sa mga pasistang tropa.
Ang nasabing kaaway ay nagsilbing pwersang pangseguridad sa kumander ng 20th IB na si Lt. Col. Joemar Buban na pumunta sa Barangay Roxas sa tangkang linlangin at magpakitang tao sa mga residente umaga ng araw ding iyon. Kasunod ito ng pamamaslang ng mga tropa ng 20th IB sa apat na residente ng Roxas, kabilang ang tatlong bata kung saan dalawa ang namatay.
Pebrero 21. Naunang paputukan ng BHB-RUC ang nasa 20 nag-ooperasyong pasistang tropa sa Barangay Tungodnon bandang alas-9 ng umaga. Sa inisyal na ulat, dalawang pasistang tropa ang napatay.
Pebrero 24. Muli na namang pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga nag-ooperasyong tropa sa CM Recto (Lobedico) bandang alas-2 ng hapon. Hindi man lang nakaganti ng putok ang kaaway.
Patunay ang matatagumpay na opensiba ng BHB na hinding-hindi magagawang pigilan ng karahasan ng estado ang armadong paglaban ng hukbong bayan upang depensahan ang mamamayan.
Nanunumpa ang BHB-RUC na tuluy-tuloy itong maglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang ipaghiganti ang mga batang walang awang pinatay ng pasistang 20th IB, at ang lahat ng naging biktima ng pasistang AFP-PNP. (Larab)