News

Patas na subsidyo, pagbaba ng presyo ng langis, idiniin ng mga tsuper

,

Nananawagan ang grupong PISTON noong Marso 16 na tiyakin na patas ang pagbibigay ng ₱2-bilyong Service Contracting (Libreng Sakay). Ang pondo ay inilaan para ibaba ang pamasahe sa mga pampublikong dyip mula ₱12 tungong ₱9.

Hindi masasaklaw ng pondo ang lahat ng ruta, ayon sa Piston. Siguradong piling mga ruta lamang ang mabibigyan ng subsidyo.

“Ang pangamba namin dito ay baka gamitin ito ng pamahalaan na ekslusibo lang sa mga consolidated na prangkisa, para sapilitang itulak pa rin ang phaseout,” ayon kay Mody Floranda, pambansang presidente ng PISTON. “Hindi ‘yun patas sa mga tsuper at operator at maging sa mga mananakay.”

Isa sa mga iginiit ng Piston at Manibela sa inilunsad na tigil-pasada noong unang linggo ng Marso ang pagpapatigil sa pwersahang konsolidasyon ng mga prangkisa. Bahagi ito sa kontra-mamamayang iskemang korporatisasyon ng pampublikong transportasyon sa ngalan ng “modernisasyon.”

“Kahit paano pa pagbali-baligtarin ng gubyerno, ang pakanang franchise consolidation ay pakanang phaseout dahil ito ay pagkamkam at pagmasaker sa mga indibidwal na prangkisa at kabuhayan ng maliliit na operator at tsuper,” ayon pa sa Piston. “(Ibib)igay nito sa malalaking negosyante’t kapitalista at para pagkunan ng makukurakot at makukulimbat ng mga burukrata kapitalistang pangunahing tagapagtulak ng huwad na PUV Modernization Program.”

Bagamat makatutulong ang pagbaba ng pamasahe, dapat gumawa ang gubyerno ng mga hakbang para itaguyod ang abot-kayang transportasyon, ayon sa grupo. Pangunahin dito ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, para hindi nakaatang sa mga drayber at maliliit na opereytor ang pagpapababa ng pamasahe. Dapat ding kumilos ang estado para ibaba ang presyo ng langis, anito.

“Wala namang problema magbaba ng pamasahe kung ibababa at kokontrolin ng gobyerno ang presyo ng langis at ng mga pangunahing bilihin, at itataas ang sahod ng mga manggagawa para walang nadedehado,” ani Floranda.

AB: Patas na subsidyo, pagbaba ng presyo ng langis, idiniin ng mga tsuper