Patutsada ni Gen. Esperon, binweltahan ng kabataang mag-aaral
Binweltahan ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang patutsada at paratang ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na ang mga akademikong walkout o pagliban sa klase na ipinanawagan ng mga konseho ng mag-aaral ay magbibigay-daan sa rekrutment ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa hanay ng mga estudyante.
Ayon kay Jandeil Roperos, pambansang tagapangulo ng NUSP, lumang tugtugin na ang pananakot na ito at gamit na gamit na. “Sawa na kami sa mga ginagawa ng estado na patuloy na pangrered-tag sa aming mga estudyante at sa progresibong kilusan,” aniya. Ang NUSP ay pambansang unyon ng mga konseho ng mga mag-aaral sa kolehiyo.
Matatandaang nanawagan ng walkout ang mga konseho ng mag-aaral sa University of the Philippines, University of Santo Tomas, at Ateneo de Manila University para tuligsain ang lumalabas na “pagkapanalo” ni Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte sa katatapos lamang na eleksyon.
Ayon pa sa naunang panawagan ng UP Office of the Student Regent, “Tapat tayong lumahok sa eleksyon. Ngunit, pandaraya at paglabag sa batas ang sagot ng administrasyon. Hindi tayo papayag na pamunuan tayo ng mga magnanakaw at mamamatay-tao.”
Naniniwala ang mga konseho ng mga mag-aaral na dinaya ang eleksyong 2022 sa harap ng mga ulat ng iregularidad tulad ng pagkasira ng mga makina sa pagboto, pagbili ng boto, red-tagging sa mga kandidato at pananakot sa mga botante na naitala at kinumpirma sa mga ulat na natipon ng grupong Kontra Daya. Higit 4,000 kaso ang naiulat na mga insidente at isa-isa itong kinukumpirma ng grupo.
Ipinaliwanag din ng NUSP na ang mga walkout ay manipestasyon ng pagkadismaya ng mga estudyante laban sa mga abuso ng estado. Nakatitiyak sila sa NUSP na ang mga taktika ng red-tagging tulad na ginawa ni Esperon ang gagawin din rehimeng Marcos.
Sa ilalim ng batas militar ng diktadurang US-Marcos noong dekada 1970-80 ay ipinagbawal ang mga konseho ng mag-aaral at pahayagang pangkampus upang pigilan ang pagkakaisa at paglaban ng mga kabataan.
“Nangangako ang unyon na patuloy na mananawagan ng pananagutan ang mga mag-aaral sa kapalpakan ng Comelec, at patuloy na tutuligsain ang kahit anong panununmbalik ng alyansang Marcos-Duterte,” panata ng NUSP.
Para naman sa Konseho ng Mag-aaral ng UP Diliman, makasayayang tungkulin ang kinakailangang gampanan ngayon ng mga iskolar ng bayan.
“Ilang henerasyon ng mga estudyante, guro, at kawani ng ating Pamantasan ang tumindig laban sa tiraniya. Noong panahon ng Batas Militar, ibinuhos natin ang ating sikhay, lakas, at rekurso sa pagsandig sa kagustuhan ng masang patalsikin ang diktador na si Marcos. Ngayong pilit inuulit ang madugo at madilim na kasaysayan, handa ang ating Pamantasan na muling makiisa sa laban,” ayon sa pahayag ng Konseho.