Pekeng engkwentro at karahasang militar, pasakit sa mamamayan ng Negros Oriental

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Takot at ligalig sa buhay at kabuhayan ang naging epekto ng pagpapaulan ng bala ng mga sundalo ng 62nd IB sa bahay ng pamilyang Pecore sa Barangay Tala-on, La Libertad, Negros Oriental noong Marso 15. Ganito rin ang dinanas ng pamilyang Cantela nang salakayin ng mga sundalo ang kanilang bahay sa Sityo Pitik-pitik, Barangay Luz, Guihulngan City noong Marso 20.

Pinaputukan ng mga sundalo ang bahay ng mga Pecore alas-9:18 ng gabi. Kinabukasan, pinalabas ng 62nd IB na nagkaroon ng armadong engkwentro sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros. Pinasinungalinan ito ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng yunit.

“Ang katotohanan, walang yunit ng BHB sa lugar. Wala ding katotohanan ang pagkakumpiska ng isang shotgun ng mga sundalo. Isa itong kasinungalingan na gustong ipakalat ng 62nd IB para pagtakpan ang kanilang palpak na operasyon,” ayon kay Ka JB.

Samantala, sapilitang pinasok, hinalughog at winasak ang mga kagamitan sa bahay ng pamilyang Cantela. Pinalalabas ng mga sundalo sa ulat nito na mayroong nakumpiskang kalibre .357 pistola at isa pang baril sa bahay. Dinakip din nila ang magsasakang si Ronald Cantela.

“Ang karahasang ginagawa ng 62nd IB sa mamamayan ng Central Negros ay hindi na bago kundi tatak na mismo ng batalyon,” ayon kay Ka JB. Sa buong isla ng Negros, 56 sa 67 naitalang kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao mula Enero hanggang Marso 15 ay isinagawa ng naturang batalyon. Apat ang mga magsasakang pinaslang nito ngayong taon pa lamang.

AB: Pekeng engkwentro at karahasang militar, pasakit sa mamamayan ng Negros Oriental