Pekeng engkwentro, ginagamit para patindihin ang operasyong militar sa Himamaylan
Pinalalabas ng mga sundalo ng 94th IB na may naganap na isang engkwentro sa Purok Maliko-liko, Sityo Cunalom, Barangay Carabalan, Himamaylan City noong Oktubre 12. Ang totoo, pinaulanan ng bala ng mga sundalo ang 15 kabahayan ng mga katutubong Ituman-Maghat-Bukidnon sa lugar.
Agad na pinasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Mt. Cansermon Command) ang sinasabi ng 94th IB na nakasagupa nila ang isang yunit ng BHB sa lugar.
Ayon kay Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-South Central Negros, nagpapakalat na naman ng pekeng balita ang kilalang sinungaling na si BGen. Inocencio Pasaporte, kumander ng 303rd IBde, sa pagsasabing engkwentro ang naganap. Dagdag pa niya, ginagamit ang mga pekeng engkwentro para pahigpitin pa ang operasyong militar at ala-batas militar na lockdown sa buong Himamaylan.
Ayon sa mga ulat, hanggang ngayon ay pinagbabawalan ng mga pasistang tropa ang paglabas-masok ng mga katutubo at residente sa mga naka-lockdown na barangay. Malubhang tinututulan ng mga residente ang ginagawang pagkontrol ng militar sa kanilang kilos at kabuhayan.
Higit 18,000 na ang kabuuang bilang ng mga residenteng sapilitang pinalikas ng mga sundalo mula sa iba’t ibang mga barangay ng Himamaylan City. Ibinibimbin at ikinukural ng militar ang mga bakwit sa mga gusali at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng midya sa sentrong ng ebakwasyon.
“Paninira at kasinungalingan ang ginagamit ni Pasaporte…para tabunan ang pagkabigo ng kanilang kampangyang kontra-insurhensya,” ayon kay Ka Dionesio. Pagdidiin niya, hindi maitago ng militar ang naabot na lakas ng BHB at patuloy na suportang masa na tinatamasa nito.
“Hindi maintindihan ng pasistang mga tropa na sila mismo ang nagtuturo sa mamamayan na makilahok sa digmang bayan,” ayon pa sa kanya.
Hibang na ipinahayag ni Ltc. Van Donald L Almonte, kumander ng 94th IB na ang pekeng engkwentro ay nagpapatunay na “hindi na welcome” sa Barangay Carabalan at Himamaylan City ang rebolusyonaryong kilusan at tumalikod na umano ang baseng masa sa kanilang hukbo.
Taliwas ang pahayag na ito sa serye ng mga bakbakan at armadong aksyon ng BHB noong Oktubre 6 at 8 sa Barangay Carabalan kung saan hindi bababa sa 8 ang napaslang at maraming nasugatan sa hanay ng mga sundalo.
Ayon pa sa BHB-South Central Negros, handa sila, sampu ng buong pwersa ng BHB sa buong isla na buong-lakas na harapin at biguin ang reaksyunaryong pwersa ng rehimeng US-Marcos II.