Pekeng engkwentro sa India, kinundena ng CPI (Maoist)

, ,

Mahigpit na kinundena ng Communist Party of India (Maoist) ang pagpaslang ng armadong pwersa ng gubyerno ng India sa dalawang sibilyan sa distrito ng Koraput, estado ng Odisha noong Nobyembre 11. Pinalalabas ng lokal na pulis na ang dalawa ay kasapi ng CPI (Maoist) at armadong pwersa nitong People’s Liberation Guerrilla Army. Binansagan ito ng CPI (Maoist) bilang “pekeng engkwentro.”

Ayon sa pulis, pinaputukan diumano sila ng may 10-15 katao habang nagpapatrulya sa kagubatan ng Koraput kaya sila gumanti ng putok na nagresulta sa pagkapaslang kina Dhana Kamara, 41, at Jay Kumar Nag. Imbentong kwento pa nito na mayroong pa daw nakuhang mga Maoistang dokumento, detoneytor, pampasabog at mga armas.

Malubhang pinasubalian ito ng asawa ng mga biktima at maging ng mga taga-komunidad. Ayon sa kanila, ang dalawa ay nagtatrabaho bilang mga arawang manggagawa. Si Jaya ay mayroong 8-buwang gulang na anak habang si Dhana ay mayroong limang anak.

Matapos ang insidente, kagyat ring itinanggi ng komite ng CPI (Maoist) Malkangiri-Koraput na mga kasapi ng PLGA ang dalawa.

Bilang panawagan para sa hustisya, naglunsad ng protesta ang mga grupo sa National Highway 326 sa Katameta sa distrito ng Malkangiri noong Nobyembre 15. Pinagdadampot ng pulis ang hindi bababa sa 20 kalahok sa protesta kabilang ang isang kinatawan sa lokal na Kongreso na si Sarat Buruda.

Samantala, sa darating na Nobyembre 18, nakatakdang maglunsad ng isang bandh o pangkalahatang welga sa mga distrito ng Malkangiri-Koraput. Sang-ayon ito sa inilabas na panawagan ng komite ng CPI (Maoist) na kumikilos sa naturang mga lugar.

Iginigiit nila ang hustisya sa nangyaring pagpaslang at ang pagbibigay ng reaksyunaryong estado ng India ng karampatang kompensasyon sa naulilang mga pamilya ng dalawa.

AB: Pekeng engkwentro sa India, kinundena ng CPI (Maoist)