Balita

Petisyon para sa taas-sahod, sinimulan

Inilunsad noong Nobyembre 11 ng mga manggagawa, magsasaka, kawani, maralita at iba pang karaniwang mamamayan ang 30-day countdown para itulak ang reaksyunaryong estado na magsagawa ng mga hakbang para itaas ang sahod at ibaba ang presyo ng mga bilihin.

Kasabay nito, isang petition ang kanilang inihain na naglalaman ng bungkos ng kanilang mga hinaing. Sa araw na inilunsad ito, nagkaroon ng petition signing sa Cubao, Quezon City kung saan daang manggagawa, tsuper, maralita at tindera ang pumirma.

“Ang mga nagdaang buwan ay naging napakahirap para sa ordinaryong Pilipino,” nakasulat sa petisyon. “Hindi na maitatanggi na ang problema sa ekonomiya ay hindi lamang dala ng pandaigdigang krisis kundi bunsod din ng internal na mga kundisyon ng Pilipinas. Hindi na maitatanggi na mismong mga patakaran natin sa ekonomiya ang nagdudulot ng paghihirap sa tao. Hindi na maaaring sabihin na wala tayong magagawa, at magtiis na lang muna tayo hanggang lumipas ang krisis.”

Kabilang sa iginiit sa petisyon ang sumusunod:

1. Itaas ang sahod sa buong bansa! Maglabas ng Executive Order, Wage Orders, at i-“certify as urgent” ang wage at salary bills na naghahangad ng family living wage o katumbas nito
2. Pagtanggal ng VAT sa essential products
3. Pagtanggal ng VAT sa produktong petrolyo
4. Pag-certify bilang urgent bill ang pagrepaso ng Oil Deregulation Law
5. Pagbibigay ng cash assistance o ayuda sa pinakamahihirap, walang trabaho, at mga nangangailangang maliit na negosyo
6. Pagpapababa ng presyo ng pagkain at pagtaguyod ng lokal na produksyon
7. Walang bagong buwis na ipapataw sa consumers

 

AB: Petisyon para sa taas-sahod, sinimulan