Pinakamurang bigas sa Metro Manila, ₱40/kilo na

Matapos ang isang taon sa panunungkulan ni Ferdinand Marcos Jr bilang presidente ng bansa at kalihim ng Department of Agriculture, wala pa ring katuparan ang pangakong magiging ₱20 kada kilo ang bigas. Sa halip, tumaas pa kamakailan ang pinakamurang klase ng bigas mula ₱38/kilo tungong ₱40/kilo.

Ito ay ayon sa pagsubaybay ng grupong Bantay Bigas sa mga palenke ng Metro Manila. Sa ibang bahagi ng rehiyon, umaabot sa ₱46/kilo ang presyo ng pinakamurang lokal na bigas.

“Tinanong namin ang mga manininda at sabi nila ay ₱40 na kada kilo ang pinakamurang bigas mula ₱38 kada kilo noong Abril,” ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupo. “Kailangang resolbahin ng estado ang pagtaas ng presyo ng bigas, lalupa’t wala namang pagtaas sa napakababang presyo ng pagbili ng palay mula sa mga magsasaka.”

Pinabulaanan ng pagtaas ng presyo ng bigas ang bukambibig ng estado na bababa ang presyo nito kung pahihintulutan ang todo-todong importasyon ng bigas, aniya. Noong nakarang taon, umabot sa 3.8 milyong metriko tonelada ang inangkat ng bansa gamit ang rice liberalization law (RLL), o liberalisasyon sa pag-aangkat (pag-aalis ng taripa) sa bigas.

Muling pinanawagan ng grupo ang kagyat na pagbabasura sa RLL at pagbibigay-subsidyo sa mga magsasaka para makaagapay sa nagtataasang gastos sa produksyon ng palay.

Habang nagdurusa ang mga magsasaka ng palay, at kasabay nila ang mamimiling Pilipino, pinuri naman ng World Bank ang RLL dahil sa pagtanggal nito sa lahat ng proteksyon sa lokal na produksyon ng bigas at pagtalikod diumano nito sa “kiling” sa pagtatanim ng bigas (na siyang nangungunang pagkain ng mga Pilipino). Nais ng World Bank na itulak ang pagtatanim ng ibang produktong agrikultural, partikular ng mga “high-value crop” na pang-eksport.

AB: Pinakamurang bigas sa Metro Manila, ₱40/kilo na