Balita

Pitong magsasaka, 13 oras na hinawakan at tinortyur ng 75th IB

,

Brutal na batas militar ang naghahari sa Sityo Katabadan, Barangay San Roque, San Miguel, Surigao Del Sur. Noong Setyembre 18, dinakip at hinawakan ng mga tropa ng 75th IB at walang-awat na tinortyur nang 13 oras ang pitong magkakamag-anak na magsasaka sa naturang sityo. Pinararatangan silang mga kasapi ng hukbong bayan.

Kinilala ang mga biktima na sina Leboy Montenegro, 28 anyos, kanyang asawang si Etshell Arcinal Montenegro, 22 anyos, si Erlyn Montenegro, 32 anyos, John Paul Montenegro, 18 anyos, Archie Montenegro, 17 anyos, Dennis Montenegro, 16 anyos at si Raffy Arcinal.

Bago nagtungo sa kanilang bukid, nagpaalam ang pamilyang Montenegro sa mga sundalong nakahimpil sa kanilang sityo. Kabilang ang mga sundalo sa isang yunit ng 75th IB na naglulunsad ng tinatawag nitong Retooled Community Support Program. Naka-hamlet ang kanilang sityo at sinumang lalabas at kailangang humingi ng permiso sa mga sundalo.

Kaya bago nagtungo sa kanilang bukid para mag-ani at maghag-ot (stripping) ng abaka, nagpaalam ang pamilyang Montenegro. Laking gulat nila na pinuntahan sila ng mga sundalo sa kanilang bukid at walang sabi-sabi silang inaresto at ginapos.

Pinagbubugbog sila nang walang-tigil. Binalot si John Paul sa trapal tsaka pinagtatadyakan. Si Leboy naman ay nilagyan ng plastik sa ulo at pinagapang sa harap ng kanyang pamilya.

Ayon kay Ka Sandara Sidlakan, tagapasalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Surigao del Sur, lumabas sa kanilang imbestigasyon na grabe ang dinanas na pisikal at mental na tortyur ng buong pamilya. “Halos 13 oras silang nasa kamay ng mga berdugo!” ayon sa kanya.

“Hanggang sa ngayon ay matindi pa ang troma nila laluna si John Paul na halos malumpo na dahil sa pambubugbog,” dagdag ni Ka Sandara.

Idiniin din ni Ka Sandara na ang operasyong RCSP, na nagpapanggap na para sa kaunlaran at kapayapaan, sa katunayan, ay isang brutal na panunupil sa sibilyang populasyon. Tulad ng ginagawa sa iba pa, hinahamlet at kinokontrol ang ekonomikong aktibidad at pagkilos ng buong populasyon sa komunidad ng mga sundalo.

Nanawagan si Ka Sandara na magkaisa ang mga komunidad at labanan ang pasismo ng reaksyunaryong militar at estado. “Huwag matakot na ilantad ang pang-aapi at paglabag sa karapatang-tao!” hamon niya.

AB: Pitong magsasaka, 13 oras na hinawakan at tinortyur ng 75th IB