PKP, nakiisa sa Linggo ng Pag-alala sa mga Martir ng CPI (Maoist)
Nagpaabot ng pakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa Communist Party of India (Maoist) sa inilulunsad nitong Linggo ng Pag-alala sa mga martir ng rebolusyong Indian mula Hulyo 28 hanggang Agosto 3. Sa linggong ito, itinatanghal ng CPI (Maoist) ang mga dakilang lider ng rebolusyong Indian, mga martir sa nagdaang taon at maging ang mga kapita-pitagang rebolusyonaryong martir ng ibang bayan tulad ng Pilipinas.
Ang mga bayani at martir ng demokratikong rebolusyong bayan sa India ay mga bayani at martir din ng uring manggagawa sa Pilipinas at lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan sa buong daigdig, ayon sa PKP.
Pinagpugayan nito ang umaabot sa 124 Indian na namartir habang nagpapatupad ng kani-kanilang rebolusyonaryong tungkulin sa nagdaang taon.
Sa pahayag ng tagapagsalita ng CPI (Maoist) na si Abhay, espesyal ang taong ito dahil ngayong taon din ang ika-50 taong anibersaryo ng pagkamartir ni Charu Majumdar, isa sa mga lider ng rebolusyong Indian. Si Majumdar ay inaresto ng pulis sa India noong Hulyo 6, 1972 at namatay sa kulungan noong Hulyo 28, 1972 sa sakit. Samantala, ika-40 taong anibersaryo naman ng pagkamatay ni Kanhai Chatterjee, isa ring lider ng rebolusyong Indian, noong Hulyo 18.
“Sinasaluduhan ng Komite Sentral ang lahat ng mga martir na nag-alay ng kanilnag buhay para sa layunin ng pagtatayo ng sosyalismo…at para sa bagong demokratikong rebolusyon sa India,” ayon sa pahayag ni Abhay.
Inaalala rin ng CPI (Maoist) si Ka Oris, dating tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), na traydor na pinaslang ng reaksyunaryong armadong pwersa ng Pilipinas noong Oktubre 2021. Kinilala rin ng CPI (Maoist) si Abimael ‘Comrade Gonzalo’ Guzman, lider ng kilusang Komunista sa Peru, na matagal na ikinulong hanggang sa namatay noong nakaraang taon.
“Hindi maiiwasan ang pagkamatay sa tunggalian ng mga uri at digmang bayan,” saad ni Abhay. “Ang mga pagsulong ng partido ay hindi maisasakatuparan nang wala ang mga sakripisyo ng ating mga bayani,” dagdag pa niya.
“Binibigyang-lakas ng mahusay at magiting na rebolusyonaryong halimbawa ng mga bayani ang partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa…para samantalahin ang rebolusyonaryong sitwasyon at sumulong,” ayon pa sa kanya.