Planong demolisyon sa Taguig City, tinutulan
Naglunsad ng protesta ang mga residente ng Maysapang, Barangay Ususan, Taguig City noong Pebrero 22 para tutulan ang bantang demolisyon sa komunidad. Ang naturang araw din ang huling araw na ipinataw ng R-II Builder at MGS Consortium upang “magself-demolish” ang mga residente o gibain ang sarili nilang mga bahay.
Ang protesta ay nilahukan ng mga kasapi ng Nagkakaisang Residente Maysapang Home Owners Associasion Inc at Anakbayan Taguig. Nagmartsa paikot sa komunidad ang mga residente at nagtapos ang programa sa kahabaan ng Levi Mariano Avenue. Sa kalagitnaan ng programa, paulit-ulit na hinaras at tinakot ng mga maton ng Jericko Security Agency ang mga residente.
Giit nila sa lokal na gubyerno ng Taguig City at mayor nitong si Mayor Lani Cayetano na huwag pirmahan ang Certificate of Compliance na siyang magbibigay ng buong pahintulot sa R-II Builders at MGS Consortium na gibain ang mga bahay sa Maysapang.
Noong Pebrero 26 ay muling naglunsad ng pulong masa ang mga residente para pagtibayin ang kanilang kampanya laban sa demolisyon. Ilang linggo bago nito, nagtirik ng kandila bilang protesta ang mga residente ng Maysapang noong Pebrero 3 upang irehistro ang kanilang nagkakaisang tindig.
Noon namang Pebrero 2, nagsagawa ng “konsultasyon” ang pinagsamang pwersa ng BCDA, R-II Builders/MGS Consortium, lokal na pamahalaan ng syudad, SWAT, at kapulisan sa mga residente. Sa kumperensya ay iginiit ng mga mamamayan ang kanilang paninindigang depensahan ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan, at patuloy na pagpanawagan para sa karapatan sa paninirahan.