Porum ng US Air Force sa UP-Diliman, napaatras
Napaatras ng mga estudyante at iba’t ibang grupong demokratiko ang plano ng US Air Force na magsagawa ng porum sa College of Science sa University of the Philippines (UP)-Diliman ngayong araw, Pebrero 1. Mahigit 46 organisasyon at 464 indibidwal ang pumirma sa petisyon para ikansela ang naturang porum. Anila, ang abanteng teknolohiya ay di dapat gamitin para sa mga krimen sa digma, katulad ng ginagawa ngayon ng US sa Palestine.
Ang naturang porum, na bahagi ng tinaguriang “Umalohokan Series” ng UP Office of International Linkages ay para himukin ang mga estudyante sa syensya na makipagsabwatan sa syentipikong pananaliksik ng US Airforce. Pangunahing panauhin nito ang mga punong upisyal mula sa US Air Force Office of Scientific Research, ang bisig na nagbibigay ng mga “grant” o ayudang pinansyal sa mga estudyanteng kulang ang pondo para makapagsagawa ng mga pananaliksik na rekisito para sila makapagtapos sa kanilang kurso.
“Tagumpay! US military, rejected!” pahayag ng mga estudyate at grupo. “Ang ating kolektibong aksyon ang naghatid ng ating patutol sa paggamit ng syensya at teknolohiya para sa mga krimen ng digma (ng US) sa mga aping bansa. Naniniwala kaming ang syentipikong pananaliksik ay magiging maka-mamamayan lamang kung ito ay gagawin para likhain ang isang makatarungan at mapayapang lipunan.”
Dagdag ng mga nagpetisyon, hindi syentipiko ang kontra-mamamayang teknolohiya kundi armas lamang para kumitil ng mga buhay.
“Sa harap ng mga krimen sa digma na isinagawa ng US Air Force, nakikiisa ang College of Science at ang unibersidad sa aping mamamayan tulad ng mga Palestino. Ang syensya at teknolohiya ay hindi para sa mga krimen sa digma!”