Presensya ng pulis sa klasrum sa Pangasinan, binatikos
Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pressensya ng nakakamoplahe at armadong mga pulis sa loob ng isang klasrum sa Longos Elementary School sa Pangasinan. Isa ang paaralan sa 100 pampublikong paaralan na nagbukas para sa harapang klase kahapon, Nobyembre 14.
“Anong ginagawa ng mga armadong pulis sa loob ng klasrum? Militarized na nga ang buong pandemic response ng gobyerno, pati ba naman ang pagbubukas ng mga paaralan?” bwelta ni Raymnond Basilio, pangkalahatang kalihim ng ACT.
Sa isang larawan na inilathala ng isang news network, makikita ang dalawang unipormadong pulis na may sukbit na M16 na “namamahagi” ng mga papel sa maliliit na bata. Mula Kinder hanggang Grade 3 lamang ang pinayagang magbukas ng haraparang klase sa mga limitadong bilang ng mga paaralan,
Ayon sa ACT, direktang paglabag sa patakaran ng Department of Education na nagbabawal sa pagpasok ng mga armadong pwersa sa mga paaralan. Nakasaad ito sa DepEd ORder Series of 2005 at 32 series of 2019 na nagtatakda sa mga paaralan bilang mga “sona ng kapayapaan.”
Nasa 100 pa lamang na eskwelahan ang pinayagang magbukas noong Nobyembre 15. Ito ay matapos ang 19 na buwan mula nang isinara ang mga ito sa ngalan ng pagsawata ng pandemya. Bago nito, ang Pilipinas at Venezuela na lamang ang hindi pa nagbubukas ng mga eskwelahan sa buong mundo. Ito ay sa kabila nang binuksan na ng rehimeng Duterte ang halos buong ekonomya, kabilang ang mga sinehan, pook-turismo at iba pang “di esesnyal” na negosyo.