Presensyang militar ng US sa Pilipinas, maaring magpasiklab ng gerang nukleyar
Sa pamamagitan ng presensya ng tropa, gamit militar at nukleyar na arsenal nito sa Pilipinas, inilalagay ng US ang buong rehiyong Asia sa “bingit ng isang nukleyar na Armageddon.” Ito ang babala ni Prof. Roland Simbulan sa isang webinar na pinamagatang “Countercurrents: Foreign Policies and Anti-imperialist Struggle na inilunsad noong Pebrero 4. Si Simbulan ay isang propesor sa University of the Philippines at pangalawang pangulo ng Center for People’s Empowerment in Governance.
“Imbwelto ang Pilipinas sa mahigpit na kumpetisyon sa pagitan ng US at China dahil sa lokasyong geopulitikal nito,” aniya. Matagal nang bahagi ang bansa sa “imprastrukturang nukleyar” ng US, na nagsisilbing daungan ng malalaking barkong pandigma na nagdadala ng mga armas nukleyar at pinatatakbo ng enerhiyang nukleyar. “Bahagi na tayo (Pilipinas) ng opensibong first island chain ng pagkubkob sa China dahil sa Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement,” aniya.
Sa pamamagitan ng mga tratado at kasunduang ito, napanatili ng US ang hegemonyang militar ng US sa Pilipinas, kahit wala na itong minamantineng malalaking permanenteng base militar sa bansa.
“Matagal nang itinuturing ng US na krusyal na lokasyon ang Pilipinas para sa sarili nitong pangmatagalang seguridad,” ayon kay Prof. Simbulan. Tinawag niyang “muog ng US” ang Pilipinas sa Asia na nagsisilbing lunsaran ng mga operasyong pandagat at panghimpapawid hindi lamang sa South China Sea, kundi sa buong Asia-Pacific at Middle East.
Ang kontrol ng US at “bakal na ugnayan” nito sa Pilipinas ay hindi nauga at lalong di natumbasan ng pakikipagmabutihan at pagkukunwari ng nagdaang presidente na si Rodrigo Duterte na pagpaling nito sa China.
Katunayan, humigpit pa ang hawak ng US sa Pilipinas sa termino ni Duterte. Isinagawa sa ilalim ng kanyang termino ang luma at bagong malalaking pagsasanay-miliatr. Sa ilalim din niya nagsimula ang “renegosasyon” ng EDCA at MDT para bigyan ng dagdag na mga pribiliheyo at ekstra-teritoryal na mga karapatan ang US sa bansa. Nagsimula din habang presidente pa siya ang negosasyon para gamitin ng Cerberus, isang kumpanyang Amerikano, ang naluging Hanjin Shipyard sa Subic para sa pagkukumpuni, pag-refuel at pagdaong ng US Navy.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, sunud-sunod ang pagbisita ng matatas na upisyal at upisyal-militar ng US sa Pilipinas. Noong Nobyembre 2022, lumapag si US Vice President Kamala Harris para pormal na ipabatid ang intensyon ng US na dagdagan ng lima pang kampo ng AFP para itayo ang mga pasilidad ng US para sa mga tropa at gamit militar nito sa Pilipinas. Sinundan ito ng pagbisita ni Lloyd Austin, kalihim ng State Department ng US noong Pebrero 2.
Naipirmi sa mga pagbisitang ito ang pagpapabilis sa konstruksyon sa unang limang base militar ng US sa bansa na gagastusan ng \$100 milyon, at ang pagdagdag na apat pang lokasyong maaaring lagakan ng kanilang tropa at armas. Ang mga lokasyong ito ay nagbibigay sa US ng bentahe para sa mabilis na paglulunsad ng mga operasyon sakaling magkaroon ng tunggalian sa Taiwan o habang nagsasagawa ang US Navy ng mapanghamong mga “operasyon sa malayang paglalalayag” sa South China Sea.
Pang-uupat ng gera
Noong Pebrero 4, dumating sa Pilipinas ang mataaas na upisyal-miltiar ng US para ipinalisa ang plano para sa paglulunsad ng mas masisinsin at malalaking pagsasanay-militar ng US sa Pilipinas, kabilang ang Balikatan 2023. Noong 2022, inianunsyo ng AFP na magkakaroon ng 469 na iba’t ibang pagsasanay at aktibidad militar ang US sa bansa para sa taong 2023. Mas mataas ito sa 461 na mga operasyong militar ng US sa 2022 at 353 nooong 2021.
Ang mga pagsasanay na lakip dito ay bahagi ng opensibong militar ng US para udyukan ang China. Kasabay at karugtong ang mga ito sa libu-libo pang pagsasanay sa digma (war exercises) na inilulunsad ng US sa rehiyon.
Bagamat sa Abril pa idadaos ang ika-38 serye ng Balikatan, ang taunang “pagsasanay-militar” sa pagitan ng mga armadong hukbo ng US at Pilipinas, nasa Pilipinas na ang mga pwersang Amerikano. Noong Pebrero 20, inilunsad ng US at Philippine Army ang Warfighting Functions Exchange, isang 3-araw na kumperensya bilang paghahanda sa pagdaraos Salaknib 2023, ang dalawang-seryeng pagsasanay na ilulunsad bago at pagkatapos ng Balikatan. Lalahukan ang pagsasanay na ito ng 3,000 tropa mula sa 25th ID ng US at 5th ID, 7th ID at 1st Brigade Combat Team ng Pilipinas. Magsisimula ang Salaknib sa Marso 5, at tatagal ng 20 araw.
Samantala, lalahukan ang Balikatan 2023 ng 16,000 tropa, pinakamarami sa kasaysayan nito. Idadaos ang mga pagsasanay sa Ilocos Norte, at Batanes, Fuga at Calayan — mga islang dikit sa Taiwan Strait.
Hindi lamang ang US ang gumagamit sa Pilipinas bilang lunsaran ng digma. Noong Pebrero 20, binuksan ng AFP at Australian Defense Force ang Philippine-Australia Army-to-Army Exercise 23-1 sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Katulad ng US, may visiting forces agreement ang Pilipinas at Australia. Nakatakda ring pumirma ang Japan at Pilipinas ng katulad na kasunduan para sa malayang paglabas-masok naman ng mga tropang Japanese sa bansa. Parehong alyado ng US ang Australia at Japan sa panunulsol nito ng gera laban sa China.
Higit sa mga pagsasanay, muli na ring ilulunsad ang mga magkasanib na pagpapatrulya ng US at Pilipians sa South China Sea. Direkta nitong isasangkot ang mga tropang Pilipino sa pakikipaggiriian nito sa mga barko at pwersa ng China.
Mapanganib ng plantang nukleyar
Isa sa itinulak ni US Vice Presidente Harris nang bumista siya sa bansa ang pagtatayo ng US ng mga plantang nukleyar sa tabing ng paglutas ng krisis ng enerhiya ng Pilipinas. Sa ilalim ng “123 Agreement Negotiations for Civil Nuclear Energy Cooperation,” itatayo sa bansa ang mga plantang nukleyar (small modular reactor) na pinaunlad ng US Army at sinubok sa mga base militar nito.
Nitong Pebrero, ibinunyag ng Pangasinan People’s Strike for the Environment ang pagraratsada ng lokal na gubyerno para sa pagtatayo ng anim na mga plantang nukleyar, lahat sa Labrador, Pangasinan. Nakaharap ang bayan na ito sa Lingayen Gulf, isa sa pinakamayamang pangisdaan sa bansa.
Babala ng mga kinatawan ng Makabayan, dalawang gamit ang teknolohiyang ipapasok ng US sa bansa — sibil at militar. Maraming aspeto ng programang nukleyar ng US ay napakadaling gamitin para sa gera, kahit ang mga kunwa’y para sa mga gamit sibilyan.
Katunayan, pinauunlad ngayon ng US ang Project Pele na naglalayong maglatag ng mga “mobile nuclear power plant” o “battlefield nuke reactors” na bahagi ng paghahanda nito ng “teatro ng digma” sa rehiyon ng Asia. Lalabas na gagamitin ng US ang Pilipinas bilang laboratoryo ng proyektong ito, na nasa antas eksperimento pa lamang.
Kagyat at kinakailangang pagtutol
Sa kasalukuyan, papalaki ang posibilidad ng paggamit ng armas nukleyar sa gerang itinulak ng US at NATO sa Ukraine, sa Korean Peninsula, Taiwan Straits at South China Sea. Sa gayon, lalong nagiging kagyat ang pangangailangang hadlangan ito ng mamamayan.
“Itinutulak ng papalaking banta ng gerang nukleyar ang lahat ng nagmamahal ng kapayapaan sa buong mundo na pigilan ang paglaki ng posibilidad nito,” ayon kay Prof. Simbulan. “Pigilan natin ang mga probokasyong ginagawa ng US, gayundin ang mga operasyong militar ng China, na maaaring sumiklab sa isang dambuhalang gera para sa kapangyarihan.”